TATLO sa pitong persons of interest sa pagpatay sa beauty queen na si Geneva Lopez at sa kanyang Israeli fiancé na si Yitzhak Cohen ay mga dating pulis.
Ayon kay PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, ang tatlong pulis, isa sa Angeles City at dalawa sa NCRPO (National Capital Region Police Office), batay sa records ay sinibak na sa serbisyo noon pang 2019 at 2018.
Nawala sina Lopez, 27, at Cohen, 37, matapos makipagkita sa isang middleman para inspeksiyonin ang lupang interesado nilang bilhin sa Tarlac noong 21 Hunyo.
Matapos ang ilang araw na paghahanap ay natagpuan ang kanilang mga labi sa isang remote quarry site sa Brgy. Sta. Lucia, Capas nitong nakaraang linggo.
Dagdag ng opisyal, limang persons of interest sa kaso ang nasa kustodiya na ng pulisya, habang dalawa pa ang nanatiling nakalalaya.
Kompiyansa ang mga imbestigador na mayroon silang ‘sapat na ebidensya’ laban sa pitong indibiduwal na isinasangkot sa krimen, matapos aminin ng isa sa kanila na kabilang siya sa naglibing sa mag-asawa ngunit hindi kasama sa mga pumatay.
Lumitaw sa imbestigasyon, parehong may mga tama ng bala ng baril ang Kapampangan beauty queen at ang kanyang kasintahan.
Huling nakita sina Lopez at Cohen na nakasakay sa isang SUV noong 21 Hunyo ngunit natagpuang nasunog at inabandona ang sasakyan sa Capas noong 22 Hunyo.
Sa pahayag ni Interior Secretary Benhur Abalos, “ang mga awtoridad ay hindi magpapahinga hangga’t hindi nananagot ang mga responsable sa krimen.”