RATED R
ni Rommel Gonzales
MGA baguhang artista halos ang kasama ni Elijah Alejo sa bagong pelikulang Field Trip, kaya tinanong namin ang Kapuso young actress kung may nadarama ba siyang pressure dahil kung tutuusin ay siya ang magdadala ng pelikula.
“Okay, parang naano ako roon ah,” ang natatawang umpisang reaksiyon ni Elijah. “Parang ngayon po ako na-pressure sa question na ‘yun.
“Honestly po hindi po ako nakakaramdam ng pressure kasi I know naman po na hindi rin po sila kumbaga ilalagay dito ni direk kung wala pong nakikita si direk in them na kumbaga makakapag-add to the movie.
“So I know for a fact na lahat po kami rito magtutulong-tulong regardless of newcomer man or veteran.”
At bilang isang young actress na matagal na sa industriya ng pelikula at telebisyon, may advise ba siyang maibibigay sa mga mga bago pa lamang nag-aartista?
Ngumiti muna si Elijah bago sumagot, “Ahmmm ang advise ko lang is, okay ‘yung kinakabahan ka. Kasi iyon din ‘yung advise sa akin nina Papa Wendell eh,” pagtukoy ni Elijah kay Wendell Ramos na co-star niya sa Prima Donnas TV series ng GMA.
Pagpapatuloy pa ni Elijah, “So okay lang ‘yung kinakabahan ka kasi alam mo na kapag kinakabahan ka alam mo rin na mayroon kang something na maibibigay talaga roon sa movie.
“Mayroon kang maibubuga. Alam mong kaya mong makipagsabayan.”
Ang Field Trip ay isang surprise/adventure movie ng PinoyFlix Entertainment Production, Inc. ni Jose “JR” Olinares na siya ring direktor ng naturang pelikula.
Gaganap si Elijah sa pelikula bilang si Angela.
Nasa pelikula rin, na isinulat ni Eric Ramos at ipalalabas sa Nobyembre 2024, sina Jeffrey Santos, Dindo Arroyo, Simon Ibarra, Alex Medina, Dexter Doria, Jennifer Lee, at Poppo Lontoc.
Nasa pelikula rin bilang si Jerry si MJ Manuel (na nominadong Best New Movie Actor sa PMPC’s 40th Star Awards for Movies para sa pelikulang Unspoken Letters) at si Gab Dekit bilang si Rhian.
Ang mga newbie stars na nasa pelikula ay sina Nicole Alayon, Mika Pardo, Jea Manalo, Natsumi Nose, Abegail Tabiolo, Kate Ronco, Angel Llames, at Ron Medina.
May pakulo ang PinoyFlix Entertainment Production, Inc. (nina direk JR at Production Manager Sam Faj. Calaca) sa mga manonood dahil may pa-raflle sila sa mga movie ticket holder na may mapapanalunang condo unit at marami pang malalaking papremyo.