TULUYANG nailigtas ng Philippine Navy sa pakikipagtulungan ng iba pang ahensiya ang 15 kataong muntik nang mabiktima ng human trafficking sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa bayan ng Bongao, lalawigan ng Tawi-Tawi mula 20-21 Hunyo 2024.
Nasagip ang mga biktima matapos dumating sa pier ng Bongao, Tawi-Tawi sakay ng tatlong sasakyang pandagat – MV Trisha Kerstine II, MV Everqueen of Asia, at PB Lady Mera.
Nabatid na mula ang mga biktima sa Zamboanga Peninsula, Sulu, at lungsod ng Butuan at patungong Sabah, Malaysia sa pamamagitan ng ‘southern backdoor.’
Ayon sa pulisya, walang naipakitang mga kaukulang dokumento ang mga biktima bilang patunay na legal ang kanilang biyahe.
Anila, pinangakuan sila ng kanilang mga recruiter ng trabaho pagdating sa kanilang destinasyon.
Ayon sa social worker na kumapanayam sa mga biktima, potensiyal silang ‘illegal entrants’ na posibleng maging mga biktima ng human trafficking.
Dinala ang 15 sa Tawi-Tawi Maritime Police Station para sa kaukulang disposisyon at dokumentasyon saka inilipat sa Ministry of Social Welfare para sa counselling at stress debriefing.
Isinagawa ang operasyon ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM) sa pamamagitan ng kanilang mga naval intelligence operatives, katuwang ang PNP Tawi-Tawi, Philippine Air Force intelligence operatives, at ng Local Government Unit – Local Council Against Trafficking and Violence Against Women and Children (LGU-LCAT VAWC) Municipal Inter-Agency Council Against Trafficking (MIACAT).