REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang lolo na wanted sa tatlong bilang ng kasong statutory rape matapos matunton ng pulisya sa kanyang tinitirahan sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Valenzuela City police chief P/Col. Nixon Cayaban, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) hinggil sa kinaroroonan ng akusadong si alyas Lolo Ley, 68 anyos, kaya inutusan niya ang WSS na bumuo ng team para hulihin ang akusado.
Sinabi pa ni Col. Cayaban, itinuturing ang akusado bilang most wanted person (MWP) sa Lungsod ng Valenzuela dahil sa mga kinakaharap na kasong may kaugnayan sa panghahalay at iba pang uri ng kalaswaang ginawa sa kanyang menor-de-edad na biktima.
Kasama ang mga tauhan ng Northern NCR Maritime Police Station, agad ikinasa ng WSS ang joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong 1:30 pm sa Zone 1-A, Bernardo Compound, Brgy. Palasan ng nasabing lungsod.
Binitbit ng pulisya ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Acting Presiding Judge Mateo B. Altarejos ng Regional Trial Court Branch 172, Valenzuela City noong 14 Hunyo 2024, para sa kasong Statutory Rape (3 counts) Sexual Assault (4 counts) at Acts of Lasciviousness in rel. to Sec. 5(b) of R.A. 7610 – Child Abuse Law. (ROMMEL SALES)