DERETSO sa hoyo ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos matimbog sa magkahiwalay na buybust operation sa mga lungsod ng Malabon at Valenzuela.
Sa report ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa illegal drug activities ni alyas Tokwa, 37 anyos, kaya ikinasa ng SDEU ang buybust operation laban sa suspek.
Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, dakong 9:30 pm kamakalawa sa Ilang-Ilang St. corner Ilang- Ilang III St., Brgy. Baritan.
Nakompiska sa suspek ang nasa 5 gramo ng hinihinalang shabu, may Standard Drug Price (SDP) value na P34,000 at buybust money.
Sa Valenzuela, nadakip ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban sa buybust operation sa Ka Melanio St., corner Rincon Road, Brgy. Rincon dakong 2:45 am kahapon, Miyerkoles si alyas Robert, 53 anyos.
Nakuha ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Johnny Llave sa suspek ang nasa 7 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P47,600, buybust money na isang P500 bill at apat pirasong P1,000 boodle money, 100 recovered money at itim na coin purse.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 1965 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)