HATAWAN
ni Ed de Leon
KUNG minsan si Vice Ganda, pagpapasensiyahan mo na lang talaga. May isang nagpadala sa amin ng video ng kanilang show, na inaamin naming hindi pinanonood talaga. Hindi kasi namin gusto ang style ng comedy ni Vice kaya hindi na lang kami nanonood. Pero my nagpapadala nga ng video at nagtatanong, “tama ba namang sabihin ang ganoon?”
Mayroong nagsabi sa show na ang tao raw basta sinisinok ibig sabihin ay lumalaki pa. Biglang binalingan ni Vice si Ogie Alcasid at sinabing, “ikaw hindi ka sininok ano?” Ang hangad niya roon ay magpatawa pero hindi niya alam na ginagawa niya iyon at the expense of Ogie.
Mayroon pang isang video, sinasabi ng male star na si Nicco Locco na kaya raw siguro nasira ang relasyon nila ng dating girlfriend na si Christine Bermas ay dahil babaero siya noon. Biglang singit na naman si Vice ng, “lalakero na siya ngayon,” na obviously isang birong hindi nagustuhan ni Nicco.
Paano kung hindi iyon nakapagpigil at inumbag na lang siyang bigla, ano kaya ang gagawin niya?
Kung minsan, natatangay pa rin ni Vice hanggang sa ngayon ang klase ng mga joke at pambabalahura na ginagawa nila sa comedy bar. Sa comedy bars ay ok lang iyon dahil ang lahat ng mga tao ay nagkakatuwaan, naglalasingan pa nga at iyang ganyang biro normal lang iyan sa lasing. Pero iyong sasabahin mo on national television, parang hindi maganda.
Wala pang sogie bill ganyan na si Vice kung makalusot pa iyon eh ‘di lalong walang kinatakutan iyan. Sasabihin niya joke lang iyon, totoo pero isa iyong masamang biro.
Dapat iyang si Vice, isailalim sa isang workshop na magtuturo sa kanya kung ano ang limitasyon ng maaari niyang gawin at sabihin sa national television, lalo na nga sa noontime na hindi maikakailang may mga nanonood na bata. Kung ang style niya ay talagang para lang doon sa audience na nagkakalasingan, ibalik na siya roon at alisin sa national television. Kung gusto niyang manatili sa telebisyon, sumunod siya sa tamang protocol ng television.