HATAWAN
ni Ed de Leon
DAHIL sa naging kasalan nina Carlo Aquino at Charlie Dizon ang dami-dami na namang usapan. Siyempre ang una nilang dinidikdik ay ang responsibilidad daw ni Carlo kay Mithi, ang anak niya sa ex na si Trina Candaza.
Pinapayagan na raw ba ng Simbahang Katoliko ang isang garden wedding?
At sa hindi rin nalamang dahilan bakit pula ang suot na estola ng paring nagkasal sa kanila? Paring Katoliko kaya iyon o nabibilang sa ibang sekta?
Tingnan muna natin ang validity ng kasal nina Carlo at Charlie. Si Carlo bagama’t may anak ay hindi naman nagpakasal kay Trina. Kaya masasabi nating legally walang impediment kung pakasalan man niya si Charlie. Ang pagkakaroon ng anak sa isang babae ay ibang usapan sa pagpapakasal. Legally walang nilabag na batas si Carlo nang pakasalan niya si Charlie. Morally ay malabo rin naman dahil nag-split naman sila ni Trina bago siya nagpakasal. Ibig sabihin, wala na sa usapan at maging sa mga plano ang kasal nina Carlo at Trina.
Hindi siya mapipigil ni Trina dahil lamang sa may anak sila. Maaaring pagtalunan nila ang custody ng bata pero sa ngayon naman ay walang problema. Si Mithi ay nananatiling kasama ng kanyang ina at wala namang ginagawa si Carlo para agawin ang kanilang anak. Hindi naman masasabing niloko ni Carlo si Charlie, dahil public knowledge naman na iyon ay may anak na kay Trina.
Ang maaari na lang pag-usapan ngayon ay ang child support o co-parenting agreement nina Carlo at Trina.
Hindi ba kawawa naman si Trina? Talagang kawawa ang isang babaeng nabubuntis nang hindi kasal kaya nga sinasabing kailangan bago magpabuntis ay pakaisiping mabuti ang sitwasyon. Kaya nga sinasabing kailangang maging responsable tayo eh. Hindi puwedeng puro sarap lang ang iintindihin. Paano nga kung may mabuntis, ano ang magiging buhay ng batang walang malay na nadamay lang dahil sa pagkakamali ng kanyang mga magulang?
Sa isang kasal, hindi masasabing namamagiatn ang simbahan, o ang gobyerno. Sa isang kasal ang nagkakasundo at pumipirma ng casamiento o dokumento ng kasal ay ang mag-asawa. Maliban sa kanila, ang lahat ng iba pa ay saksi lamang sa kanilang pagpapakasal. At maliban kung may impediment pa ang isa sa kanila at may naunang kasal, ang ikalawang kasal ay bale wala. Iyon ang tinatawag na impediment, kahit na magpakasal ng ilang uit ang isang tao na may legal na asawa ang paggiging mag-asawa nila ng una niyang pinakasalan ay nananatiling legal at siyang kinikilala. Kung ang kasal man ay isang putative marriage.
Kung ang naunang asawa ay namatay, maaaring kilalanin na ang ikalawang kasal. Pero maaari pa ring habulin iyon ng mga anak sa una at sabihing ang kanyang asawa ay walang karapatan sa kalahati ng conjugal property, dahil hindi naman legal ang kanilang kasal. Ngayon kung wala namang pagtatalunang mana wala na ring usapan iyan.
Kung ang isang tao ay kasal sa iba hindi basta matatalikuran ang kasal na iyon kung ayaw na nila. Kaya nga ngayon ay hinahanapan sila ng CENOMAR o certificate of no marriage na nakukuha sa PSA. Gaya rin iyan ng isang male star na nagpakasal na hindi niya alam na ang babae pala ay may pinakasalang una nang iyon ay nagta-trabaho pa bilang entertainer sa Japan. Ibig sabihin, ang kasal nila ay hindi legal.
Nagsasama man sila pero oras na ang asawa ng babae ay umalma, maaari silang idemanda at akusahan ng pangangalunya.
Kaya kailangan ng divorce sabi nila. Ang divorce ay dissolution of marrieage. Ibig sabihin, kasal nga ang dalawang tao pero pinaghihiwalay sila legally.
Pero ano ang katuruang moral tungkol diyan? Sinasabi sa Banal na Biblia na ang nagsipag-diborsiyo ay nagkakahiwalay nga’t pinawawalang bisa ang kanilang pagiging mag-asawa. Ngunit sino man sa dalawang nagdiborsiyo ang magpakasal sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya. Iyan ang turo, huwag tayong basta maniniwala sa sinasabi ng iba na ang mga Katolikong nakipag-diborsiyo ay ok lang. Maaaring ok lang na hiwalay na sila pero kung sila ay mag-aasawa sa iba sinasabi sa mga pag-aaral na sila ay nagkakasala ng pangangalunya.
Kaya ito ang maliwanag, legal na kasal sina Carlo at Charlie, dahil walang nakikitang impediment sa kanilang kasal. Hindi hadlang ang pagkakaroon ng anak ni Carlo kay Trina dahil hindi naman sila kasal. Iyong mga gustong umangal kailangang humanap sila ng ebidensiya na si Carlo ay may naunang pinakasalan o si Charlie ay ganoon din para masabing ang kasal nila ay putative, at walang bisa kung ganoon.