WALANG BUHAY nang matagpuan ang isang lalaking itinuturing na palaboy na nakabitin sa ilalim ng isang footbridge sa Caloocan City.
Inilarawan ng pulisya ang biktimang si alyas Pogi, ayon sa bansag sa kanya ng kanyang mga kapwa palaboy na nasa edad 40 hanggang 50 anyos, nakasuot ng pulang t-shirt, short pants, at pulang tsinelas.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, dakong 7:20 am nang makita ang nakabiting bangkay ng biktima sa ilalim ng footbridge sa kanto ng EDSA at A. De Jesus St., na may nakapulupot na kable sa kanyang leeg.
Unang sinisi ng ilang netizens ang salasalabat na kable ng telcos sa lugar na posible umanong pumulupot sa leeg ng biktima na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Ngunit lumutang ang isang 68-anyos at 41-anyos na kasamahang palaboy ng biktima at nagpahayag sa pulisya na pagpatiwakal umano ang biktima na sanhi ng kamatayan nito.
Sa pahayag ng mga testigo kina P/SSgt. Niño Nazareno Paguiringan at P/SSgt. Rodolfo King Bautista, may hawak ng kaso, napuna nila ang panginginig ng katawan ng biktima at hindi mapakali bunga ng depresyon bago matuklasan ang kanyang bangkay.
Sinabi ni Col. Lacuesta, patuloy pa rin nilang hinahanap ang pinakamalapit na kaanak ng biktima para sa kanyang pagkakakilanlan habang nakalagak ang bangkay sa Ezequiel Funeral Services kung saan isasailalim sa autopsy examination. (ROMMEL SALES)