HATAWAN
ni Ed de Leon
INAPRUBAHAN na ni PBBM ang Eddie Garcia law na naglalayong mabigyan ng proteksiyon ang mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon. Pero bago pa iyon naging batas ay binatikos na ng dating director-general ng Film Academy of the Philippines na si Leo Martinez na nagsabing ang batas daw ay mas nagbibigay ng proteksiyon sa mga network at sa mga producer kaysa mga manggagawa na sinasabing binibigyan niyon ng proteksiyon.
Binatikos ni Martinez ang naging legal na mas mahabang oras ng pagtatrabaho ng mga manggagawa sa industriya. Bukod sa hindi maliwanag na pananagutan ng mga producser at network kung may mangyayaring desgrasya gaya ng kay Eddie Garcia mismo.
Lumalabas na mas lumaki ang problema ni Eddie dahil sa maling handling nang isugod siya sa ospital at maling findings noong una ng dahilan ng kanyang pagbagsak.
Natagalan din bago siya nadala sa ospital dahil ang mga sasakyan nila ay nakulong ng iba pang mga sasakyang naka-park sa lugar na nagsu-shooting. Kaya kailangang isugod siya sa ospital sa pamamagitan ng isang taxi. Bagama’t itinatadhana ng batas na dapat ngayon may qualified na medical personnel at ambulansiya sa shooting. Wala ring itinatakdang pananagutan ng producers at network sakaling pumalpak pa rin sila sa sistema. At paano kung hindi mga big star ang nagkaroon ng aberya, ganoon pa rin kaya ang treatment ng mga producer kung ang nadesgrasya ay mga crew lamang?
Aba hanggang maaga kailangang ma-amyendahan agad ang batas na iyan kung sa tingin nila ay may depekto nga.