HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGULAT kami nang may biglang tumawag sa amin at nagtatanong kung totoo ba ang narinig nilang namatay na raw si direk Carlo Caparas. Hindi kami makasagot dahil wala rin naman kaming balita tungkol kay Carlo simula noong magpasya siyang mag-retire sandali sa showbusiness matapos na yumao rin ang kanyang asawang si Donna Villa. Ang balita namin si Carlo ay nasa farm ni Donna sa Cebu at doon na naninirahan. Pero mabilis kaming nagtanong-tanong tungkol doon at nalaman naming totoo pala ang malungkot na balita.
Una naming nakita ang isinulat ng kanyang anak na babaeng si Peach, na nagsabi ng mga nagawa ng kanyang ama, at tapos ay nagsabing, “pack up na direk.” Sa industriya ng pelikula, basta sinabing “pack up na,” ibig sabihin tapos na ang shooting. Pero basta sa tao sinabing “pack up na” ibig sabihin ay yumao na.
Nasundan iyon ng isa pang post ni Peach na masasabi ngang kompirmasyon na ng balita. Sinabi na kasi niyang ang burol ng kanyang ama ay magsisimula ngayong araw na ito Lunes, mula 12 noon hanggang hatinggabi, sa Conservatorio II Chapel ng Golden Haven Memorial Chapels sa Las Pinas.
Pumanaw si direk Carlo sa edad na 80. Wala namang sinabing dahilan ng kanyang pagpanaw pero sinasabi ngang masyado siyang tumaba at marami na ring iniindang sakit. Matagal naman kasi siyang napahinga eh. Nasanay siya noon na ang ginagawa niya ay sunod-sunod na pelikula. Basta nailabas na sa sine ang pelikula niya tiyak na kasunod na ang shooting ng kasunod niyon kinabukasan. At bukod sa katulong pa rin siya sa pagsusulat ng scripts ng kanyang mga pelikula, na batay din sa kanyang nabuong kuwento.
May panahon naman kasing ang mga ginawa niya noong “massacre movies” ang siyang namayani sa takilya. Kahit na may umiral na slump sa industriya, ang pelikula niya ay kumikita at noong naging matindi ang slump, natapos iyon nang gawin niya ang Maggie dela Riva Story na bida si Dawn Zulueta na sinasabing biggest money maker noong 1994 at ang aktres ay nahirang pa ngang box office queen dahil doon.
Medyo nagpahinga lang si direk Carlo matapos na yumao ang kanyang kabiyak na si Donna. Pinag-direhe pa niya ang kanyang anak na babae, pero hindi masyadong naging malaki ang pelikulang iyon.
Lahat ng mga artistang gumawa ng pelikula kay direk Carlo ay itinuring na box office stars, isa lang yata ang nangamote nang gumawa ng pelikula kay direk Carlo.
Ngayon wala na si direk Carlo, pero ang kanyang mga nagawa ay hindi na rin malilimutan ng mga lehitimong taga-industriya ng pelikula at komiks sa ating bansa.