KINANSELA ng Maisug anti-government rallyists ang kanilang protesta sa Tacloban City sa Leyte province makaraang mabigong makakuha ng suporta at magtala ng mababang turnout ng protesters, ayon kay Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.
Dahil sa pumalpak na rally, nagsisisihan ngayon ang Maisug anti-government rallyists upang makaiwas sa kahihiyan, kung saan binigyang-katuwiran ni dating Presidente Rodrigo Duterte ang kanilang nakadedesmayang mababang turnout sa pag-akusa sa mga local leader sa Leyte ng pagpigil sa kanila.
Kinutya rin ni Rep. Acidre ang sinasabi ng mga raliyista na “kapayapaan” sa kanilang mga aktibidad, ipinaliwanag na mas madalas ang mga pagmumura at pag-atake kaysa kapayapaan at panalangin.
“Huwag naman sana gamitin ito na pamamaraan para bastusin ang mga iginagalang nating lider. Mas marami pa yatang mura (ang mga naunang rally nila). Wala naman akong naririnig na panalangin,” pahayag ng House deputy majority leader.
“Malamang sa hindi, naghahanap din sila ng justification bakit hindi marami ang nakarating, ‘no? Kasi kung ako ang tatanungin mo, wala naman kaming kinalaman, si Speaker (Ferdinand Martin Romualdez) wala namang kinalaman,” dagdag ng mambabatas.
Binatikos din ni Rep. Acidre ang itinuturing na ‘absurd’ na akusasyon ng mga ralislyista na may kinalaman ang administrasyon sa paghihigpit sa aircraft schedules sa Tacloban airport.
“Ilang linggo na naming inaaray ang presyo ng ticket, ang kakulangan ng ticket, pero sabi nga nila, kailangan naman itong gawin, para tuloy-tuloy ang ating pag-improve ng paliparan sa Tacloban,” ayon sa mambabatas.
Ipinaliwanag niya na ang Maisug anti-government rallyists ay hindi nag-apply ng permit, at inabisohan lamang ng mga raliyista ang provincial government noong nakalatag na ang roadshow na nagpapakita ng heavy equipment sa araw ng protesta.
“Base sa information na nakarating sa atin, hindi naman sila nag-apply talaga ng permit e. Ang ginawa nilang notification sa provincial government ay nagpapasabi lang na gagamit sila ng freedom park. May nakapag-book na po as early as May 10 sa pagkakaalam ko, mayroon nang nag-apply doon sa roadshow ng mga heavy equipment,” dagdag niya.