ni Marlon Bernardino
NAGING sentro ng atraksiyon ang kabayong si Amazing matapos mamayagpag sa 2024 Philippine Racing Commission (Philracom) “Hopeful Stakes Race” na ginanap nitong Linggo ng hapon sa Metro Turf sa Tanauan City, Batangas.
Umangat si Amazing sa finish line kasunod ng tatlong kabayo.
Una rito ay hindi man lang matawag ang kabayong si Amazing sa kaagahan ng laro habang naggigitgitan sina Primavera, Feet Bell, at Victorious Angel.
Nasa bandang likuran si Amazing, ngunit pagsapit sa huling kurbada ay nakalapit nang bahagya sa unahan.
Nasilayan muna ng bilis sa rektahan ang mga umagaw ng unahan na sina High Roller at High Dollar hanggang sa huling 25 metro ng karera kung kailan nabanggit ang pangalan ni Amazing na bumulaga sa una at huli.
Tinawid ni Amazing ang meta nang may kalahating kabayo ang agwat sa pumangalawang si High Roller, tersero si High Dollar at pang-apat si Primavera.
Sinakyan ni dating Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year awardee John Alvin Guce si Amazing na inirehistro ang tiyempong 1:43 minuto sa 1,600-meter race sapat upang hamigin ng owner nito ang P600,000 premyo sa event ng punong abalang Philippine Racing Commission (Philracom) sa magiting na pamumuno ni Chairman Aurelio “Reli” P. de Leon.