HARD TALK
ni Pilar Mateo
BLOODY, gory and gruesome.
Ito ang pagsasalarawan ng nagtatag ng Philstagers Productions na dekada na sa larangan ng teatro, ang litigation lawyer na si Atty. Vince Tañada sa isasagawa niyang remake ng pelikulang Himala na isang musikal.
Matagal na panahong hiniritan ni Atty. Vince ang National Artist na si Ricky Lee (ang sumulat) para sa proyekto. Sa ilang pagkakataon ay sumasang-ayon naman ito sa plano. Pero kailangan pa rin ang mabusising detalye. Gaya sa magsisiganap at iba pang kailangan.
Si Piolo Pascual ang napisil nina Atty. Vince, na sinang-ayunan ni Sir Ricky na gumanap sa mahalagang papel ni Orly na si Spanky Manikan ang orihinal.
Nangyari na ang pakikipag-meeting ng Cornerstone artist kina Atty. Vince at Sir Ricky nitong Huwebes at nang marinig ng aktor ang theme song na ginawa ni Pipo Cifra ay nagustuhan niya pati na ang magiging role niya.
Kung sasang-ayon ang schedule ni Piolo sa Hulyo, sisimulan na ang shoot. And by that time kasado na rin ang mga malalaking artistang gaganap sa mahahalagang papel gaya ng kina Elsa at Saling.
Umokey ang National Artist sa version na gagawin ni Atty. Vince sa kanyang mga eksena. Hindi malilimutan ang klasikong eksena sa burol ng National Artist ding si Nora Aunor na kinasangkutan ng cast of thousands sa pelikula ni Ishmael Bernal.
Hindi pa napapasagot ng oo ni Atty. Vince ang magsisiganap sa main cast pero impressive ang piniling mga artista.
Isang young singer ang gaganap bilang Elsa at premyadong singer-actress naman si Saling. At maski ang mga nasa supporting cast ay ‘di matatawaran dahil karamihan sa kanila ay mga premyado na rin at iniidolo sa larangan ng musika.
Malaking tanong kung magkakaroon ng partisipasyon ang orihinal na Elsa sa remake.
Atty. Vince cannot contain his excitement.
Abangan din natin kung nasa plano ba na maisama ito sa darating na Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024.
Sa tingin niyo, sino ang babagay sa mga klasikong role ng nasabing pelikula?