ARESTADO ang isang lalaki na ika-walo sa talaan ng most wanted persons (MWPs) sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Valenzuela City police chief P/Col. Allan Umipig kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) hinggil sa kinaroroonan ng akusadong si alyas Pedro.
Bumuo ng team ang WSS saka ikinasa ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong 3:30 pm sa Mc Arthur Highway, cor Agustin St, Brgy. Malinta.
Ang akusado ay dinakip ng mga tauhan ng WSS sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Acting Presiding Judge Mateo Altarejos ng Regional Trial Court Branch 172, Valenzuela City noong 9 Mayo 2024, para sa kasong Rape under Art. 266-A, par. (1)(A) of the RPC (2 Counts).
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. (ROMMEL SALES)