HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI namin maintindihan kung ano ang kaibahan niyong Phenomenal Box office stars na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera roon sa title na Box Office King and Queen na ibinigay naman nila kina Kathryn Bernardo at Alden Richards. Hindi ba ang usapan ay kung sino lamang ang pelikulang kumita ng pinakamalaki? Kung ganoon bakit pantay ang category? ‘Di sabihin nila na iyan ang may pinakamalaking kita pero ito naman ang pumangalawa. Hindi puwedeng pareho silang bida.
Pero ang catch kasi riyan, ilan ang manonood kung sina Dingdong at Marian lang iyon, at tiyak na mas maraming fans sina Kathryn at Alden, eh nagbebenta kasi ng tickets iyang awards na iyan eh dahil iyan ay isang fund campaign para roon sa Guillermo Mendoza Scholarship Foundation. Iyan ang isa pa, ang tagal na ng awards na iyan at noong araw ay suportado iyan ng isang publication ng mga magazine. Hindi maliwanag sa amin kung kaibigan o kaanak ng publishing manager niyon ang mga may kinalaman sa foundation na iyan, basta sila ang supporters. Hindi naman sinusuportahan iyan ng ibang publications noon. Nagsara na ang publications na iyon, at lahat ng kanilang magazines, retired na rin ang halos lahat ng mga editor nilang nabubuhay pa. Pero nagpapatuloy ang awards na iyan. Hindi pa rin namin alam hanggang ngayon kung sino nga ba si Guillermo Mendoza at kung may kinalaman ba siya sa box office ng mga pelikula. Bakit nagbibigay sila ng awards na may kinalaman sa box office?
Hindi rin maliwanag sa amin kung ang batayan ba ng box office awards nila ay ang ibinabayad na taxes ng mga pelikula sa BIR o kung nakakakuha ba sila ng kopya ng box office returns mula sa mga sinehan o nagbibigay lamang sila ng award batay sa palagay nila?
Pero dahil sa kanila ang awards na iyan wala tayong pakialam at wala silang obligasyong magpaliwanag sa atin. Mas maganda nga lang kung maipaliliwanag para mas magkaintindihan. Mayroon pa silang prince and princess, pero hindi ba naghilahod ang pelikula ng dalawang iyan nang ilabas, na pull out pa nga sa mga sinehan.