MAITUTURING na lucky year para sa grupong InnerVoices ang taong 2024, dahil bukod sa dami ng kanilang gigs ay nagwagi pa sila sa PMPC’s 14th Star Awards for Music para sa kategoryang Best Revival Recording of the Year sa awitin nilang Paano.
Labis-labis ang pasasalamat ng grupong Innervoices sa pamunuan at miyembro ng Philippine Movie Press Club para sa karangalang kanilang tinanggap.
Post nga ng InnerVoices sa kanilang FB Page, “Maraming salamat PMPC for the recognition you gave us during the 14th Star wards for Music for the song PAANO under the category Best Revival Recording. Father God You are truly amazing! “
Ito bale ang kauna-unahang tropeong natanggap ng grupo sa Star Awards for Music, pero noong 7th Star Awards for Music ay na-nominate na sila para sa kategoryang Best Duo/Group Artist of the Year, pero ‘di pinalad na manalo.
Ilan pa sa mga award at citation na nakamit na ng Innervoices ay sa 28th Awit Awards bilang Best Performance by a New Group Recording Artist, 1st WISHclusive nominee for Best Performance by a Group, at Best WISH Ballad Song.
Ang mga awit nilang Isasayaw Kita, Anghel, at Hari ay available for download sa Spotify, Apple Music, Youtube Music, Deezer at iba pang digital platforms via Vehnee Saturno Music Corporation.
Ang InnerVoices ay binunuo nina Angelo Miguel (Vocals), Rene Tecson (guitar), Ruben Tecson (drums), Rey Bergado (keyboard), Alvin Herbon (bass guitar), Joseph Cruz (keyboard, vocals), at Joseph Esparrago (drums, persussion, vocals).
At sa June 1 ay nasa Guimba, Nueva Ecija sila.