HATAWAN
ni Ed de Leon
MAY nabasa kaming isang kuwento tungkol naman sa dating sexy star na si Stella Suarez Jr. Na noong una pa ay sinasabing kakambal nga raw ni Richard Gomez. Ngayon ayon sa article, hindi raw sila kambal, mas matanda siya na inamin ni Pinky. Pero iginigiit pa ring magkapatid sila sa ina.
Ewan pero para sa isang matagal na sa industriya na kagaya namin, ewan nga ba namin kung maniniwala kami sa ganyang kuwento. Kasi noong araw naman, common knowledge sa amin na si Goma ay anak ni Stella kay Edward Gomez na nag-artista rin noong araw. Iyang si Pinky o Stella Suarez Jr. Ay hindi anak ni Stella kundi anak ng kapatid niyang pulis noon, si Baby Icasiano. Hindi namin alam kung sino ang nanay ni Stella Jr. pero inampon nga iyan ni Stella dahil mas maganda ang kabuhayan niya noong araw.
Nang si Stella ay mag-asawang muli kay Al Guinto naiba ang takbo ng buhay. Noong simula si Richard ay nakilala pa ngang Richard Guinto gamit ang pangalan ng asawa ni Stella, pero nang lumaon tumira siya sa lola niya sa Makati na nanay ng tatay niyang si Eddie Gomez. Iyon ang natatandaan naming kuwento noon. Si Pinky hindi namin alam kung kanino na napunta nang umalis si Stella para sumama sa kanyang asawang si Al na nag-migrate sa US noong panahon ng Martial Law. Kasi ang tsismis napag-initan daw iyon noong panahon ng Martial Law kaya kailangan nilang manirahan sa US.
Sa natatandaan namin, hindi sila talagang magkapatid kundi magpinsan lamang. Sabi ko nga, iyon ang natatandaan namin. Nakilala rin namin ang kapatid ni Stella noon na si Baby na pulis sa Quezon City noong nagsisimula pa lang kami bilang reporter at naka-assign sa police beat. Doon naman talaga sa police beat ang laging simula ng mga reporter noong araw sa diyaryo eh. Nalipat lang kami sa entertainment noong napag-initan din kami at napagbintangang kumiling sa mga samahang maka-kaliwa. Eh maiiwasan mo ba iyon noon eh talaga namang laganap ang aktibismo? Pero para safe, minabuti ng aming mga editor na ilagay na muna kami sa entertainment.
Noon naman namin nakasama ang mga beterano sa larangang ito, mga nauna sa amin na nagkuwento rin sa amin ng mga kaganapan at background noong bago kami malipat sa entertainment beat. Matagal din iyon bago kami nakabalik sa news dahil sa isang estasyon naman noon ng radio na roon kami nagtrabaho at saka nagbalik na naman kami sa entertainment dahil ang mga barkada namin ay nasa beat na ito nga.