HATAWAN
ni Ed de Leon
“KUNG sa tingin nila bading ako fine,” sabi na lang ni Alden Richards doon sa hindi matigil-tigil na tsismis na siya ay bading. Bakit nga ba nagkaroon ng ganoong tsismis? Hindi naman ‘yan nagsimula dahil sa hindi niya panliligaw sa kanyang ka-love team noon na si Maine Mendoza.
Bago pa iyon ay may ganyan nang tsismis. Siguro dahil sinasabing nagsimula nga si Alden sa pagsali sa mga male pageants na alam naman nating maraming bading. SIguro din dahil noong nagsisimula si Alden ay mga bading ang tumulong sa kanya. Pero ang nagpalala ng tsismis na iyan ay noong makasama niyang una sa pelikula si Kathryn Bernardo, na siguro dahil sa hangad naman ng iba na hindi na magkaroon ng pagkakataong makasingit pa siya sa love team, may nagkalat na, “nagkaroon siya ng bisita sa Hong Kong,” at iyon na ang simula ng mas mainit na tsismis.
Huwag na nating sabihin kung saan nagmula ang tsismis dahil hindi naman nila aaminin lalo na ngayon. Pero sino pa ba ang posibleng pagmulan niyon?
Ngayon iyang tsismis na iyan ang pinanghahawakan naman ng fans na loyal sa KathNiel kahit na maliwanag na wala nang pag-asa ang ilusyon nilang reconciliation, dahil naniniwala sila na kung totoo ang tsismis hindi magkakaroon ng kaganapan at hindi sisikat ang KathDen.
Si Alden siguro pikang-pika na sa katatanong sa kanya tungkol sa ganyang issue at para huwag na siyang maabala sinasabi niyang, “paniwalaan ninyo kung ano ang gusto ninyong paniwalaan.”
Pero kami, hindi kami naniniwala na si Alden ay isa ring Sangre. Marami namang artistang lalaki na natsismis na ganyan noong araw pa pero wala namang napatunayan. Sa natatandaan namin bukod kay BB Gandanghari, isa lang ang napatunayang “sangre” talaga.
Oy hindi raw siya “sangre” lamang kundi isang prinsesa. Ang ilusyon nga niya siya si Princess Diana hanggang ngayon. Fan nga siya ni Diana kaya noon panay ang koleksiyon niya ng mga magazine na naglabas ng special issue nang mamatay si Lady Di. Pinapakyaw niya ang mga magazine sa isang magazine stand noon sa Makati na sabi ng may-ari ng stand, “talagang suki ko naman iyan. Sa akin din siya bumibili ng Rice at Icon.” Ganoon? Pero si Alden naman ay hindi ganoon.
Bakit may nabalita na bang si Alden ay bumibili rin ng Chika-Chika at Hot Copy noong araw?