RATED R
ni Rommel Gonzales
KAGAGALING lamang nina Wally Bayola at Jose Manalo sa Canada para sa tatlong shows sa mga Filipinong naka-base sa Vancouver, Calgary, at Saskatoon.
Matagumpay ang kanilang concert tour dahil napakainit ng pagtanggap sa kanila ng mga Pinoy na nasabik sa Filipino performers matapos mahinto ang mga event dahil sa pandemya ng COVID-19.
Pero ngayong maluwag na ang mga health protocol, labis ang pasasalamat nina Wally at Jose na mabigyan ng pagkakataon na magpasaya ng mga Pinoy abroad.
Kapag nagpe-perform siya para sa mga kababayan natin na nasa ibang bansa, ano ang nararamdaman ni Wally?
“Alam mo para rin kaming nasa mga barangay!” ani Wally.
Sikat na segment nina Wally at Jose ang Sugod Bahay sa Eat Bulaga! na dumadayo sila sa iba’t ibang barangay dito sa Pilipinas.
“Pareho lang din naman ‘yun. Masa, tapos, iisa lang naman ‘yung sinasabi nila. ‘Nakikita lang namin kayo sa TV pero ngayon andito na kayo, nakarating kayo,’ na ganyan-ganyan.
“Alam mo grabeng hospitality at talagang eagerness nila na makita kami, makita ka na nagpe-perform. It’s a big opportunity para sa kanila.
“At ‘yung ikukuwento mo lang naman kung anong mga ipe-prepare namin, wala naman kaming pine-prepare, ang kinukuwento lang namin ‘yung experience lang namin na up-to-date na sa Pilipinas na nangyayari na ganoon.
“Na hindi naman kasi minsan lahat nasa social media,” at tumawa si Wally, “ayun, iyon lang ang pine-prepare namin.”
Pahabol pa ni Wally, “Kasi sabik nga sila, eh.
.
“At saka isipin mo, kung tayo nga lang seven days lang tapos siyempre kahit wala ka namang nami-miss pero ‘yung worry mo kasi mayroon kang mga naiwan doon sa Pilipinas or property or whatever, lalo na mga kamag-anak or kung may pamilya ka may anak ka, andoon ‘yung mahal mo sa buhay, alam mo ‘yung ganoon?
“Seven days, ano ka na, bagabag, how much more ‘yung nandito ng matagal na taon-taon ang ginugugol nila sa ibang bansa?
“Kaya ‘yung one hour, one and a half or two hours na kasiyahan na naibibigay namin is really something na sa kanila.”
Produced ng Fireball Productions–Canada nina Loren Ropan at Rhodora Soriano, tatlong venues ang inikot nina Wally at Jose sa para sa kanilang The Jose and Wally Show Canada Tour 2024. Ang una ay sa South Hall Banquet Place, Vancouver noong March 27, 2024 na sinundan sa Rajveer Banquet Hall sa Calgary, March 30, at ang pinakahuli ay sa TCU Place sa Saskatoon, March 31.
Nakasama nina Jose at Wally sa kanilang concert tour ang bandang Pedro & The Hallowblocks na binubuo nina Pedro Busita, Jr., Jessie Leandro Pacatang, Ericson de Villa with the special participation of Paul Traqueña na drummer mula mismo sa Calgary.
Tinanong namin si Wally, saan siya mas enjoy, magpatawa o kumanta?
Aniya, “Magpatawa. ‘Yung kanta kasi is, ‘yung music is, hindi naman kami singer actually.”
On the contrary, marami ang nagugulat kapag naririnig na silang kumanta, na maganda pala ang singing voice nila ni Jose.
“Nagugulat din kami na, ‘Ay, hindi pala nila alam,” at tumawa si Wally, “na nagsi-singer-singer-an kami. Anyway iyon ‘yun, parang nakakadagdag kasi something na favorite mo na ihahain sa iyo, ‘Ay, wow!’
“Na at the moment mga ganoon, lalo na si Jose napakagaling mag-mix-mix ng mga song.”
Nakatutulong din naman kasi na parehong talento sa komedya at pagkanta ang baon ng isang performer.
“Ibig sabihin kakaway ka lang at magpa-piktyur, hindi naman puwede ‘yun,” at muling tumawa si Wally.
“Sabi nga ni Jose ‘yung mga dati ng mga comedian o, naalala ko ‘yung Mitch Valdez napakahusay niyon. Kanta tapos chika.
“Nanette Inventor kanta tapos chika.
“Nakaka-miss ‘yung ganoon.”
Pumasok ba sa isip ni Wally na pasukin ang politika balang -araw?
“Hindi,” pakli ni Wally. ”Kasi ‘pag hindi ko naman talaga… lalo na ‘pag hindi ko linya, hindi.”
Hiningan namin si Wally ng maipapayo niya sa mga baguhang artist o komedyante na nagsisimula pa lamang.
“Kung anuman ang tinatamasa mo na noong matayog na nararating just stay humble and respectful and iyon be patient din at magsipag.
“Andun na rin ‘yung sakripisyo mo, ganoon lang ‘yun,” pagtatapos ni Wally sa aming panayam.