Saturday , November 16 2024
Showtime GMA 7

Paglipat ng It’s Showtime sa GMA noon pa namin nahulaan; Kapuso stars todo-suporta

HATAWAN
ni Ed de Leon

HINDI po kami manghuhula at wala kaming balak na iyan ay gawing propesyon. Pero marami ang kumikita riyan. Dalawang bangko lang at kapirasong plywood ang puhunan, nandoon sila sa paligid ng simbahan ng Quiapo at doon nanghuhula. Pero maitatanong ninyo naniniwala na kami sa hula? Hindi po dahil hula nga eh ‘di hindi totoo.

Pero may panahong may mga naging kaibigan kaming mga manghuhula, isa na riyan si Danny Cinco, tapos si Madam X na pareho na ngayong sumakabilang buhay. Pero hindi kami nagpapahula kasi ayaw naming malaman ang kasunod na mangyayari sa amin, bahala na ang Diyos kung saan kami dalhin pero hindi na namin uuriratin pa kung ano ang kasunod. Minsan din naman sa isang party sa bahay ni Inday Badiday noong araw, naroroon ang sinasabing napakahusay na manghuhula anupa’t nahulaan niya ang lahat ng nakaupo sa mesa, pero nang dumating sa amin, sumakit na raw ang kanyang ulo at wala siyang makita. May isa pang manghuhula patay na rin ngayon na dinarayo ng mga mahilig sa hula, hindi rin kami mahulaan. Ewan nga ba kung bakit, pero siguro kasi hindi kami naniniwala sa hula.

Nabuksan lang namin ito dahil sinasabi nila paano raw namin nahulaan noong buwan ng Hunyo noong nakaraang taon na ang It’s Showtime ay ipalalabas sa GMA 7? Hindi po hula iyan.

Hindi namin madiretso noong una dahil hindi naman namin mapanghahawakan ang ano mang sinabi sa amin in confidence ng aming sources. Pero mayroon kaming isang mapagkakatiwalaang source na nagsabi sa amin na kaya inalok ng GMA ang It’s Showtime na ipalabas na lang sa GTV nang alisin sila ng TV5 matapos ang kanilang blocktime agreement ay dahil iyon ang talagang plano nilang ipanlaban sa TVJ. Dahil sa hindi pagkakasundo sa Tape Inc, umalis ang TVJ at iniwan ang kanilang noon time show. Alam na ng management ng GMA 7 na hindi naman makatatayo ang programa ng Tape nang umalis ang TVJ, tapos pumalpak pa rin silang makuha sina Jose Manalo, Wally Bayola at iba pang gagamitin sana nila sa Eat Bulaga

Sumamang lahat ang original na dabarkads sa TVJ sa TV5. Siguro kung nagkaroon lamang ng pagkakataon, “Maaaring ialok nila sa TVJ na lumipat sa sariling show sa GTV. Pero mabilis ang mga pangyayari eh, nakalipat agad iyong tatlo sa TV5. Sumama rin ang loob nila nang umalis ang TVJ, kaya ang balak nila labanan iyon at kukunin nga nila ang ‘Showtime,’” sabi ng aming source noon. 

Kaya kung napansin din ninyo todo suporta sila sa It’s Showtime. Mas maraming Kapuso stars na naging guest sa Showtime kaysa Tahanang Pinasaya. At saka tolerated ang mga artist nilang nagsabing ayaw nilang mag-guest sa Tahanang Pinasaya dahil ayaw nilang kalabanin ang TVJ. Pero sa Showtime nakikitang guest sila.

Mapapansin ninyo na ang talagang tinututukan para palakasin ay Showtime. Iyon lang kasi ang inaasahan nilang pambawi ng kanilang nawalang noontime supremacy. Sa buong panahon na ang TVJ ay nasa Eat Bulaga, number one ang show at hindi iyon natinag kahit na ng milyong pisong papremyo ng mga kalaban. Alam din naman ng GMA na mahina sila bilang producer ng noontime shows. Ilang ulit na nga ba silang nagtangka sa noon time slot at hindi naka-abante ang mga programa nila. Kaya nga ang laki ng pasalamat nila noong umalis ang Eat Bulaga sa Channel 2 at lumipat sa kanila. Nabaliktad ang katayuan ng dalawang network sa noon time. Medyo nakadikit ang ABS-CBN dahil kay Willie Revillame noon pero hindi pa rin natalo ang Eat Bulaga. Tapos all of a sudden bagsak sila sa noontime noong umalis ang TVJ.

Maliwanag naman ang posisyon ng TVJ kaya sila nakipag-negotiate agad sa ibang network dahil mukhang walang interest ang GMA sa mga nangyayari. Ang hinahabol ng TVJ baka naman kampihan sila ng GMA sa kanilang ipinaglalaban noon, pero hindi nga eh, dahil ang kliyente naman ng GMA ay ang Tape Inc, at hindi ang TVJ.

Pero nangyari ang alam na nilang kalalabasan. Babagsak ang Eat Bulaga kung mawawala ang TVJ, na siyang nangyari at ang masaklap pa, kailangang magpalit iyon ng title matapos na matalo rin sa kaso. Kung wala na ang TVJ at wala pa ang title na Eat Bulaga, ano pa ang aasahan mo? Kaya nga nagsimula na ang bagong negotiations. Malaki na ang utang ng Tape Inc. sa kanilang blocktime agreement, at mukhang wala  na iyong kakayahang bayaran iyon dahil nalulugi pa sila sa kanilang show. Kaya para huwag nang lumaki ang utang i-terminate na lang ang blocktime agreement kahit na hindi pa dapat. Wala rin namang choice ang Tape kundi pumayag, dahil hindi naman nila kayang bayaran ng bigla ang kanilang utang. Kung aalis na lang sila maaari silang magkasundo na babayaran na lang ang utang ng unti-unti. Hindi ba ganyan naman talaga ang nangyari ngayon?

Pero napansin lang namin, noong lumipat ang Eat Bulaga mula sa Channel 2 patungong GMA 7, nagkaroon ng isang mahabang motorcade mula sa ABS-CBN papunta sa Araneta Coliseum na ginanap ang initial telecast ng Eat Bulaga sa GMA. Maraming banda ng musiko, at milyon ang taong nanood sa kahabaan ng EDSA. Sarado ang traffic. 

Ngayon nang lumipat ang Showtime sa GMA, nakasakay lang sila sa isang truck na may dekorasyon, ni hindi mo nga matatawag na float iyon eh, at ipinakita lamang nila na pumapasok na ang truck sa gate ng GMA. Walang motorcade, at wala ring taong nanood sa paglipat. Bukod doon hindi pa pala nagsimula ang show nang lumipat sila, sa April 6 pa. Hindi ba mas bongga sana kung sa April 6 nagkaroon din sila ng motorcade sabay lipat sa GMA Studios? Mas may impact kung ganoon eh sa ngayon parang walang masyadong impact ang lipatan, kasi bago pa man iyon, alam na ng mga tao ang mangyayari. Wala ng element of surprise.

Ewan obserbasyon lang naman namin iyan, ayaw naming hulaan na baka hindi rin tumagal iyan.

About Ed de Leon

Check Also

Dominic Pangilinan Paul Singh Cudail Ako Si Juan

Direk Paul Singh Cudail, balik pelikula via ‘Ako Si Juan’

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio NAGSIMULANG maging direktor ng pelikula Paul Singh Cudail noong 2011. …

Tom Rodriguez

Tom sa pagkakaroon ng anak: Napakasarap palang maging isang ama

RATED Rni Rommel Gonzales NAPAKAGWAPO ng anak ni Tom Rodriguez. Very proud siya na ipinakita mismo …

Lala Sotto-Antonio MTRCB ICC

Responsableng Panonood ng MTRCB pinuri sa ICC, Bangkok

BINIGYANG-DIIN ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio na obligasyon ng mga …

Sa pagwawakas ng politically charged teleserye Pamilya Sagrado 
PIOLO SUPORTADO PARTYLIST NA TAPAT SA KANYANG PRINSIPYO 

KAPANA-PANABIK ang pagtatapos ng socio-political-action drama teleserye ni Piolo Pascual, ang Pamilya Sagrado sa ABS-CBN bukas. At dahil dito hindi …

Christine Bermas Yen Durano Celestina Burlesk Dancer

Christine Bermas tuloy ang paghuhubad sa VMX 

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio NAKUWESTIYON ang muling pagsabak ni Christine Bermas sa pagpapa-sexy sa pamamagitan ng …