MAGKASABAY na binigyang karangalan kahapon sa Malacanang sina direk Elwood Perez at Vilma Santos na tinawag nilang Gawad Alamat ng Sine Pilipino sa Likod at Harap ng Camera.
Iyon ay matapos na sila ay humarap din sa audience at nagsalita rin tungkol sa kanilang pelikulang Pinoy American Style. Tungkol iyon sa isang Pinay na nag-TNT sa US noon matapos na mabigong makakuha ng pinapangarap niyang citizenship sa mga Kano. Isa rin iyon sa mga itinuturing na klasikong pelikulang Filipino.
Iyon naman ang character ng mga pelikula ni Ate Vi, commercial iyon pero nananalo ng awards at itinuturing na klasiko. Hindi rin totoo iyong sinasabi ng iba na kaya hindi kumikita ang isang pelikula kasi “pang-award” iyon. Eh bakit ba si Ate Vi kumikita ang pelikula at nananalo rin naman ng awards? Ang pelikula basta hindi kumita kasi hindi gusto ng tao ang mga pelikulang iyon.
Napansin din namin na sa pagdiriwang ng Womens’ month, puro mga pelikula yata ni Ate Vi ang muling inilabas sa mga sinehan, lahat ng pelikula niyang naging klasiko, ipinalabas. May naipalabas din bang iba? Kung mayroon bakit kaya hindi namin nabalitaan? Lahat ng pelikula may mga talk back na ginagawa si Ate Vi bilang bahagi rin ng mas malawak na pagkakaunawa ng mga tao sa sining ng pelikula. Iyong award nila sa Malacanang may kinalaman iyon sa Eduksine. Ibig sabihin mga pelikulang may katuturan, may aral na matututuhan.
Hindi gumagawa ng pelikula si Ate Vi na katatakutan lang. O mga pelikulang etching-etching lang. Talagang humahanap siya niyong may katuturan, kasi ang iniisip niya iyong may mapulot naman ang manonood sa pelikula niya bukod sa entertainment lamang. Ganoon naman ang dapat, hindi mga pelikulang hotoy-hotoy talaga.
Kung hotoy-hotoy ang ginawa niyang mga pelikula, may masasabi ba siya sa mga talk back eh ‘di wala, look na lang siya sa sky o kaya daanin na lang sa tawa.
Kaya tingnan naman ninyo, ang mga pelikula ni Ate Vi ay inaabangan ng mga manonood ng sine hindi gaya ng iba na nakapitong Lupang Hinirang na sa sinehan wala pang pumapasok tapos masama ang loob na matawag na pull out queen?