HATAW News Team
MAS MABIGAT na kaso ang haharapin ng kilalang Cebuano rapper matapos pumanaw habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang American national na kanyang inaming nabaril niya sa lungsod ng Cebu.
Kinompirma ng pulisya na binawian ng buhay ang biktimang kinilalang si Michael George Richey, 37 anyos, nitong Martes ng hapon, 19 Marso.
Nauna nang sinampahan ng kasong frustrated murder at illegal possession of firearms ang suspek na si Jed Andrew Salera, mas kilala bilang Range 999.
Ayon kay P/Maj. Romeo Caacoy, Jr., hepe ng Mabolo Police Station, dahil sa pagkamatay ni Richey, inamiyendahan ang kasong isinampa sa suspek mula frustrated murder patungong murder.
Inamin ni Salera, ang pamamaril kay Richey sa labas ng isang bar sa Waterfront Cebu City Hotel and Casino, sa Brgy. Lahug, sa nabanggit na lungsod, dakong 8:00 am noong Linggo, 17 Marso.
Ayon kay Salera, ipinagtanggol lamang niya ang kanyang mga kaibigang babae laban sa pambabastos ni Richey.
Samantala, nakunan ng CCTV camera ang insidente ng pamamaril, kung saan nakitang nasa loob ng sasakyan si Salera nang bigla siyang sugurin ng biktima.
Makikita rin na binuksan ni Salera ang pinto ng driver’s seat at ang pagbaril niya sa Amerikano.
Ani Caacoy, tinamaan ng bala ng baril si Richey sa kanyang dibdib.
Agad naaresto si Salera matapos ang insidente, at nakompiska mula sa kanya ang isang kalibre .45 baril.