HATAWAN
ni Ed de Leon
EWAN kung nakita rin ninyo ang kumakalat na video na before and after niyong last show ng Tahanang Hindi na Masaya. May hagulgulan palang nangyari. Kung ang pagbabatayan ang nakita naming video pinaka-matindi talaga ang iyak niyong si Buboy Villar.
Aba, malaking bagay kasi para sa kanya iyong show na iyon, dahil masasabi ngang isa siyang pioneer na pumalit sa TVJ. Kahit na marami siyang naging palpak ay ok pa rin siya sa show. Isipin ninyong naisali niya ang isang katulong niya sa kanyang negosyong paresan, at nanalo pa iyon. Tapos ilang ulit ba iyong mga taong inalisan niya ng microphone basta nagkamaling banggitin ang TVJ. Kahit na ginawa pa niyang kulay kalawang ang kanyang buhok, hindi siya nabigyan ng break na kasing laki sa nakuha niya sa tahanang hindi na masaya. At kung sakali kailan pa siya magkakaroon ng ganoong break ulit?
May isa pang video na may babaeng humahagulgol na hindi naman namin kilala, akala namin ay sa burol ni Jaclyn Jose iyon. Iyon pala roon din sa tahanang hindi na masaya. Iyon daw iyong Alexa Mirona ipagpatawad ninyo hindi namin kilala talaga at ang pangalan ngayon lang din namin narinig. Malakas din ang hagulgol. Iyang mga starlet na ganyan, sumali iyan diyan na buo ang isang mataas na pangarap. Siguro iniisip nila bakit ba si Maine Mendoza ay sumikat ng ganoon. Bakit ba iyong Rochelle Pangilinan ay naging star din? Bakit si Ryzza Mae Dizon nagustuhan ng mga tao? Kaya noong kunin sila para sa Eat Bulaga walang dudang ok iyon, kaso nabulaga sila dahil hindi pala kanila ang title. Sinasabi nilang hindi baleng hindi sila bulaga, sila naman ang pinaka-masaya. Kaso hindi naniwala ang mga tao na masaya sila. Kaya hindi pa rin sila ang pinanood. Kaya sabi nga raw ni Paolo Contis, “Magpatingin nga kayo sa doktor ng mata.”
Mali hindi doctor ng mata ang kailangan kasi nakikita naman sila eh, ayaw lang silang panoorin. Kaya marahil doctor na iba ang espesyalidad ang kailangan doon, o baka iyon din ang kailangan niya.
May isa pang tsismis marami raw sa mga tauhan ng show ni hindi alam na last day na ng trabaho nila kundi noon lamang. Kaya natural lang ang hagulgulan dahil saan pa sila kukuha ng kikitain kinabukasan?
Iyon namang TAPE, sinisi pa ang TVJ na umalis sa kanila at hindi na inisip na nagkaroon sila ng negosyo ng mahigit na apat na dekada dahil sa tatlo. Mukhang hindi rin maganda ang nasabi nilang kulang sa suporta ang GMA 7 eh ano ngang suporta ang aasahan mo pa kung ang utang mo sa airtime ay P800-M at mukhang hindi mo na mababayaran. Natural ang iisipin ng network ay mapaalis ka na lang para pakinabangan nila ang oras nila. Hindi nila sinisi ang kanilang sarili na kung hindi sana sila nakialam ay may negosyo pa silang pinagkakakitaan ng milyong piso, at maipagmamalaki pa nilang sila ang producer ng longest running noontime show. Ngayon maliwanag na ang 44 years ay sa TVJ at nang sila nga ang pumasok, mabuti tumagal pa sila ng mahigit na apat na buwan.