HANGA kami sa buong pamilyang Eigenmann dahil hindi sila nagpabaya ngayong ulilang lubos na si Andi dahil namatay na ang ama niyong si Mark Gil at ngayon nga ay yumao na rin ang inang si Jaclyn Jose. Naroroon ang head ng pamilya, si Eddie Mesa ganoon din si Rosemarie Gil, at ang buong angkan na tumiyak kay Andi na hindi siya mapababayaan.
Suwerte rin naman ang apo ni Jaclyn na si Ellie dahil sinasabi naman ng ama niyong si Jake Ejercito na hindi iyon pababayaan ng buong angkan ng mga Ejercito, na kaibigan ding lahat ng yumaong aktres.
Mukhang maayos din namang lahat ang mga naiwan ni Jaclyn. Maging ang anak niyang bunsong si Gwen na babalik daw sa US para maituloy ang pag-aaral at marami rin pala ang naghihintay sa kanyang pagbabalik para makasama siyang muli sa dati nilang banda.
Ngayon siguradong wala nang aalalahanin si Jaclyn at wala na siyang kailangang isipin sa mga naiwan niya kung saan man siya naroroon.