HATAWAN
ni Ed de Leon
IYAN din namang mga love team, hindi nagagawa iyan eh. Mga tao ang gumagawa niyan. Tingnan ninyo noong raw, malakas ang love team nina Gloria Romero at Luis Gonzales, pero hindi naman sila mag-asawa. Lumakas din ang tambalan nina Carmen Rosales at Rogelio dela Rosa, hindi naman sila nagligawan. Lumakas din ang love team nina Susan Roces at Eddie Gutierrez, pero wala rin naman silang relasyon. Magkaiba at nasa magkalaban pang kompanya ng pelikula sina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion, pero ang love team nila ang lumalakas. Tingnan ninyo iyong AlDub, nagsimula lang iyon sa biruan sa tv, nag-click hanggang sa naging sikat na love team nga na sumira pa ng records, pero ni hindi umabot sa ligawan, at ngayon nga may asawa na si Yaya Dub.
Iyong love team nina Vilma Santos at Boyet de Leon ang matibay, naka-20 pelikula na silang magkasama, nagawa na nila ang lahat ng roles na maaaring gawin. Pero hanggang ngayon, gusto pa rin ng mga tao ang team up nila, kumikita pa rin ang kanilang pelikula, at wala naman silang love affair talaga. Iyang si Boyet asawa pa ni Nora Aunor na noong araw ay kalaban ni Ate Vi sa popularidad. Bakit hindi sumikat ang love team nila ni Nora? Kasi nga ang mga tao ang bumubuo ng sarili nilang ilusyon sa magka-love team. Hindi maaaring msunod kung ano ang gusto ng artista. Hindi rin maaaring masunod kung ano ang kagustuhn ng producers.
Isipin ninyo, bakit hindi rin ganyan katindi ang love team nina Sharon at Boyet? Hindi rin naman lumaki ang tambalan nina Vilma at Gabby. Kasi ang publiko nga ang nagdidikta.
Sabi nga noon ng yumaong direk Maning Borlaza, “Kung ang hinahanap ng mga kapitbahay mo ay karinderya, huwag kang magnegosyo ng barberya.” Kung sabihin naman ng batikang aktor at direktor na si Leroy Salvador, ”iyang mga kritiko, iyang mga nagbibigay ng awards, hindi iyan ang bubuhay sa industriya. Manonood ng sine ang mga iyan hindi pa nagbabayad. Kung gusto ninyong bumangon ang industriya kung ano ang gusto ng masa iyon ang ibigay ninyo.”
Mukhang tama naman iyon at ngayon nga panay pa ang experimentation nila sa industriya, may pinagla-love team silang parehong lalaki. May pinagla-love team ding parehong babae. Pero malayo pa tayo riyan, ibigay na muna natin kung ano ang gusto ng masa para kumita ang industriya.
Iyong experimental cinema at mga indie, hindi pa napapanahon eh, kaya huwag muna nating ipilit. Kung nakabangon na ang industriya, maaari na tayong magsingit ng mga pelikulang hindi kikita. Pero sa ngayon doon na muna tayo sa tatangkilikin ng masa.