HATAWAN
ni Ed de Leon
NAPANSIN lang namin nitong mga nakaraang araw, mukhang dumalang na ang dati ay napakatinding mga feature nina Donny Pangilinan at Belle Mariano sa social media. Ibang klase ang drumbeating nila eh, kung paniniwalaan mo talagang kinikilig ang lahat basta nakikita si Donny. Kung paniniwalaan mo masasabi mong walang duda siya na ang kasunod na matinee idol. Kasi sinasabi naman nila na talagang may hitsura si Donny, matangkad at maganda ang katawan, kaya siya iyong matinee idol talaga.
Pero mukhang nagkaroon ng sunod-sunod na reality check. Una, hindi nakalusot sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ang kanyang pelikula na inaasahan sana nilang malakas dahil iyon lang ang youth oriented film na kasali.
Minsan may nagsabi pang kagaya iyan ng Bagets basta inilabas sa sinehan. Pero ewan, sa tingin ng mga nasa screening comittee ng festival, hindi iyon commercially viable. Ibig sabihin, hindi sila kumbinsido na kaya nga niyang DonBelle na makagawa ng isang hit movie.
“Hindi bale, oras na ipalabas iyan at maging isang malaking hit, mapapahiya sila,” sabi ng mga supporter ng dalawa. Aba sa paniniwala nila, daang libo na raw ng fans iyong love team, eh iyong mga solo fans pa ni Donny na mas marami kasi fans daw iyon simula pa noong partner niya si Kisses Delavin na umalis na sa ABS-CBN at lumipat sa GMA 7. At kung paniniwalaan mo talaga ang mga pra la la ng ABS-CBN, talagang iyan na ngang Donbelle ang pinakamalakas, para bang sa tingin nila kayang talunin ang AlDub. Pero dumating ang tunay na reality check, nang ipalabas na ang pelikula. Nagsimula sila sa 127 sinehan, pero ewan hindi namin halos namalayan na nawala na pala. Ibig sabihin, hindi totoo ang mga pralala. Hindi pala totoo iyong daang libong dami ng fans, na lahat nakahandang magpa-block screening pa ng pelikula. Nasaan na?
Kung sa bagay maganda naman iyang nagkakaroon ng ganyang reality check dahil hindi naman dapat na ang mga artista ay pinaniniwala sa kanilang pinalalabas na publisidad. Iyang pagsikat ng artista, natutulungan iyan ng publicity, pero ang importante riyan ay ang mass support.
Tingnan ninyo noon sa Bagets, si William Marinez ay isang sikat na matinee idol na ka-love team ni Maricel Soriano, sina Herbert Bautista at JC Bonnin ay galing sa malaganap na tv series na Flor de Luna. Si Raymond Lauchengco ay sikat na rin bilang singer noon. Sa kanilang lahat ay pinakawalang pinagmulan si Aga Muhlach, maliban sa isang cameo role sa pelikulang Agila na iisang eksena pa.
Pero bago pa nailabas ang pelikula, si Aga na ang bukambibig ng publiko. Hindi iyon build up, malakas talaga ang mass support ni Aga. Hindi ginawa ang kanyang publisidad, hinahabol siya ng mga magazine noon dahil malakas talaga ang batak niya sa fans. Maski nga ang nagtitinda noon ng pictures ng mga artista sa bangketa na si Aling Charing sa Quiapo, sinasabi na nang lumabas ang mga picture ni Aga, tinalo ang bentahan ng Guy and Pip.
Nang maipalabas na ang pelikula, mas makikita mo ang impact ni Aga, may makakasalubong ka sa kalye na ang suot na rubber shoes ay hindi magka-paa. Sa kabila ng init sa Pilipinas, patong-patong na kamiseta ang suot nila, parang si Aga. Medyo nagkamali lang ng diskarte sa career ni Aga noon, kaya bumaba ang popularidad, pero hindi naman siya lubusang nawala. Nakabawi siya ulit at tinanggap na ng publiko bilang isang aktor. Kung nagkamali man ng diskarte sa career si Aga, at nagkaroon din ng pagkakamali sa kanyang personal na buhay, makikita mo pa rin ang impact niyon sa kanilang grupo, hindi na naging ganoon kasing hit ang Bagets 2 kahit na kumita naman. Hindi na rin ganoon katindi ang mga sumunod pa nilang pelikula.
Iyong phenomenon na nalikha ng Bagets ay hindi na rin naulit. At hindi na mauulit iyon unless na magkaroon ng panibagong gaya ni Aga.
Ngayon marami na rin naman kaming naririnig na mukhang malapit nang maulit iyon. Mukhang may makakapalit na rin yata si Aga, pero hindi si Donny na pumalpak na ang unang pelikula at mukhang mahirap nang makabawi.
Ang sinasabi nilang nakapalakas ng batak hindi pa man pormal na pumapasok sa showbusiness, ay ang anak mismo ni Aga, si Andres Muhlach.
Nagbibiruan nga kami noon mismong nakaburol pa si Manay Ethel Ramos (dating manager ni Aga), ang dinudumog ng entertainment press doon ay si Andres. Naroroon si Aga, naroroon din ang kakambal ni Andres na si Atasha. Pero mas pinagkakaguluhan nila si Andres.
Nang pumasok sa Eat Bulaga si Astasha, marami rin ang nabulaga dahil matindi ang pasok niya, pero marami ang nagsasabing pagpasok ni Andres sa showbusiness, baka iyan ang magpasimula ng isang bagong henerasyon ng mga artistang Filipino. Pasok na siya ngayon sa isang comedy series ng Viva at TV5. Diyan natin malalaman kung ano ang totoo.
Mukha rin namang dahil sa nabantilawang ambisyon, may statement na si Donny na ang inaasikaso nga raw niya ngayon ay real estate business. Baka mas bagay nga siya roon dahil bilang artista ay nabantilawan na ang kanyang career dahil sa maling timing at maling build up.