HATAWAN
ni Ed de Leon
KUNG sabihin nila noon, Vilma Santos is the Queen of Philippine Cinema. Pero nagpahinga siya ng matagal dahil pumasok sa politika. Ngayon nang magbalik si Ate Vi, pinatunyan niyang siya talaga ang reyna. Bawat kilos niya ay pinananabikang marinig ng ibang tao, kahit ng kanyang mga kritiko. Iyong mga lehitimong kritiko naman sa industriya ay nagsasabing napatunayan na niyang siya ang pinakamagaling maliban sa iba na hindi matanggap na inayawan ni Ate Vi ang kanilang projects.
Bakit naman hindi aayawan ni Ate Vi ang mga project na iyon? Karamihan ay indie na hindi nga halos maipalabas sa mga sinehan. Tinatanggihan sa mga sinehan dahil ayaw namang panoorin ng mga tao. Eh si Ate Vi naman kasi hindi iyan naghahabol ng awards kailanman. Nagkaisip siya na tama ang mga nakasamang tao sa industriya, at alam niyang para magpatuloy ang industriya kailangang kumita iyon ng pera.
Sa ngayon nga kasi hindi iniisip ni Ate Vi ang kumita pa ng pera. Maganda na ang katayuan niya sa buhay. Secured na ang pamilya niya. Kaya ang gusto naman niya ay makatulong sa industriya na minsan ay bumuhay sa kanya. Ang gusto niya ngayon ay mga pelikulang magpapabalik ng mga tao sa sinehan. Kailangang mga pelikulang kumikita ang gawin para magpatuloy ang industriya alang-alang sa mahigit na 25,000 mga tao na umaasa sa industriyang ito, ganoon din ang kanilang mag pamilya.
Ano nga ba ang kuwentang masabi na si Ate Vi ay reyna ng isang industriyang nakalugmok naman? Kailangang maibangon ang industriya dahil doon lamang magkakaroon ng kabuluhan ang iyong pagiging reyna. Ano ang silbi niyong masasabing reyna ka ng mga pelikulang nilalangaw lang at iniipis dahil hindi naman maipalabas sa sinehan dahil tinatanggihan ka na. Wala iyan.
Kaya nga ang lahat ay pabor sa advocacy ni Ate Vi na, “pabalikin ang mga tao sa mga sinehan.”
Oo may puwang pa rin naman para sa mga internet streaming. Una, saan mo naman ipalalabas ang mga pelikulang magtirik ka man ng kandila sa buong Timog ay hindi talaga papayagan ng Movie and Television Review and Classification Bord (MTRCB)?
Magtirik ka man ng kandilang pula, berde o kahit na itim pa. Magmula sa kanto ng Timog sa Quezn Avenue hanggang EDSA hindi maipalalabs sa mga sinehan iyang mga mahahalay na pelikula. Hindi rin iyan puwede sa video dahil nasusunod ang MTRCB ratings maski na para sa video.
Imposibleng payagan iyan ni Chairman Lala Sotto kahit na magtirik ka pa ng katakot-takot na kandila habang lumalakad ng paluhod sa Timog.
Pero kilangang mapabalik ang mga tao sa panonood ng sine. Iyon kasi ang industriya. Roon nabubuhay ang libo-libong mga tao. Roon din kumikita nang malaking taxes ang gobyerno.
Sa ngayon, hindi naman naghahabol talaga ng projects si Ate Vi. Hindi siya ang magmamadaling masundan agad ang pelikula niya. Napatunayan na naman niyang matagal man siyang hindi gumawa ng pelikula, basta tama ang proyektong gagawin niya ay nananatiling nariyan ang suporta ng mga tao. Napatunayan din niyang hindi lamang ang pelikula niya ang makikinabang, ganoon din ang lahat ng mga pelikula kung itutuloy niya ang kanyang advocacy at pinakikinggan naman siya ng mga tao.
Nang sabihin niyang gusto niyang makakitang muli ng mahabang pila ng mga tao sa sinehan, nangyari iyon hindi lamang sa pelikula niya kundi sa iba rin. Talagang parang utos ng isang reyna. Kasi dumating na nga iyong panahon na kinikilala na siguro siyang reyna ng lahat, hindi ng fans lamang niya. Ang mga fan naman kasi ni Ate Vi ay binubuo ng mga tunay na manonood ng sine at hindi isang kulto lamang na pipito ang miyembro.
Alam naman kasi nila na basta si Ate Vi ang panonoorin nila tiyak na masisiyahan sila. Mahusay ang kanyang acting. Walang makatatalo sa kanyang pagsasayaw, at hindi man siya singer, mas nakakakanta pa siya ngayon dahil napangalagaan ang kanyang boses hindi pagak na parang pang-horror picture na lang. Masigla pa rin siya hanggang ngayon, hindi larawan ng katandaan na namamanas na at kailangang itulak na sa isang wheel chair. Nakaupo pa rin siya sa isang trono, hindi sa isang wheel chair.
Kailangan talagang panatilihin ni Ate Vi ang kanyang advocacy at ang kanyang stand sa industriya.
Iyon naman ang tama at iyon lang ang pag-asang maibalik ang buhay na nakalugmok ng industriyang ito.