RATED R
ni Rommel Gonzales
WALA kaming masyadong ini-expect sa Ikaw Pa Rin Ang Pipiliin Ko, basta kampante na kami na okay ang movie dahil may Aga Muhlach na, may Julia Barretto pa.
Medyo nag-alangan lang kami noong napanood ang trailer, may pagka-musical kasi, and alam natin na hindi singer sina Aga (na gumanap bilang music coach) at Julia (bilang choir leader).
Pero surprisingly, naitawid nilang pareho na maayos at maganda ang pelikula. Hindi naman mala-Glee(sikat na American musical series) o The Sound Of Music (classic Hollywood film) pero pasado na rin ang Ikaw Pa Rin Ang Pipiliin Ko.
Maayos, plantsado at halos walang butas ang script, simple pero may hagod sa puso.
Masarap ding pakinggan sa tenga ang bagong areglo ng mga kanya ni George Canseco na isa sa mga inikutan ng pelikula…iyon bang classic songs pero ginawang Gen Z ang tunog.
Iba rin talaga kapag babae ang direktor ng isang romance film, iba ang kilig.
Si Denise O’Hara ang captain of the ship ng pelikula.
Naalala at na-miss tuloy namin si direk Binibining Joyce Bernal na reyna noon sa Viva Filmspagdating sa mga romance at romcom films.
Si direk Denise, marunong mag-punchline sa ilang mga eksena, pasok ang ilang pakuwela nina Julia, Aga, at Nonie Buencamino.
At ‘yung kemistri nina Aga at Julia, iba, suwabe, hindi pilit at hindi kailangang ipilit.
For sure, proud sina Charlene Gonzales at Atasha at Andres Muhlach habang pinanonood si Aga, ganoon rin malamang ang pakiramdam ni Marjorie Barretto at iba pang family and friends ni Julia na naroroon sa premiere night pelikula noong February 6 sa Cinema 2 ng SM Megamall.
Palabas ngayon sa mga sinehan ang Ikaw Pa Rin Ang Pipiliin Ko, hindi naman kayo magsisisi kapag pinili niyo itong panoorin.