Sunday , December 22 2024

Nagisa Oshima ng Japan  ‘di magaya ng ating mga director

HATAWAN
ni Ed de Leon

MAY nagsasabi na namang gagawa siya ng isang pelikula na pantapat niya sa In the Realm of Senses na ginawa ng kinikilalang henyo ng Japanese film industry na si Nagisa Oshima. Pero kakatuwa sila dahil ang pinag-iinitan lamang nila ay ang pelikulang In the Realm of Senses, sa dami ng mga klasikong pelikula na nagawa ni Oshima, na bagama’t ang pelikula ay maraming eksena na nagpapakita ng sex, hindi iyon isang sex movie, dahil iyon ay nakabatay sa isang true to life story na ang tema ay crime of passion.

Sa kuwento kasi, isang geisha ang nagkaroon ng relasyon sa kanyang amo. Matindi ang kanilang naging relasyon pero kailangan iyong putulin. Hindi matanggap ng Geisha na siya ay iiwanan na ng kanyang amo, dahil doon, nagpasya siyang putulin ang ari ng kanyang amo habang iyon ay natutulog. Namatay ang amo dahil sa maraming dugong nawala sa kanya, at matapos ang apat na araw, nahuli ang geisha na palakd-lakad sa Tokyo, duguan at hawak-hawak pa rin ang pinutol niyang ari ng kanyang amo. Nangyari ang lahat ng iyan sa totoong buhay noong 1936. Ang pelikula na ginawa ng Toho Campany Limted ay hindi pinayagang ilabas sa Japan noong una kaya ang mga negatibo ay ini-smuggle nila patungong France at doon isinagawa ang post production. Una rin inilabas sa France noong September 1976 at agad na kinilala ng mga kritiko ng pelikula na isang classic. Umikot iyon at pinagkaguluhan sa mga film festival sa abroad, kaya nang isagawa ang Manila International Film Festival noong 1981 isa si Oshima sa inanyayahan para dumalo. Hindi nakadalo si Nagisa Oshima pero ipinadala niya ang pelikula niyang In The Real of Senses na hindi naipalabas sa Film Center of the Philippines dahil sa dami ng gustong manood. Sa halip ipinalabas iyon sa Folk Arts Theater, at pinakamahal ang tickets na noon ay ginawang P150. Sa ibang pelikula ay P50 lamang at ang iba pa nga ay libre. Pero napuno ang Folk Arts Theater nang ilabas doon ang pelikula ni Oshima, pero kagaya ng dapat asahan karamihan sa mga nanood ay hindi naman naunawaan ang istorya at ang natandaan lamang ay ang nakita nilang eksena sa sex. Dahil doon, mukhang naging obssesed ang mga diretor na Filipino na makagawa ng isang pelikulang kagaya ni Oshima. Iyong orihinal na Scorpio Nights ni Peque Gallaga ay ginawa niya para sa Regal na ang batayan ay ang pelikula ni Oshima. Ang direktor na si Joel Lamangan ay gumawa rin ng pelikulang Warat para sa Viva na sinasabing pantapat din sa pelikula ni Oshima na tumapos ng bold trend ng mga pelikula sa Japan.

Marami ang gustong gayahin si Oshima pero napag-aralan ba nila ang kanyang mga obra?

Ang napanood lang naman nila ay ang pelikulang In The Realm of Senses. Kaya nang sinasabi namin noon na iyon ay bahagi lamang ng isang trilogy ni Oshima, ayaw nilang maniwala sa amin. Naghanap kami ng orihinal na French copy ng Realm at nakakuha kami ng  video mula sa isang collector, nang malaunan nakakuha rin kami ng dalawa pang pelikulang bumuo sa trilogy ni Oshima, iyong Empire of Passion at iyong Taboo. Ang lahat ng tatlong pelikula ay nagpapakita ng lantarang sex, iyong Taboo ay tungkol sa same sex. Kuwento ng mga samurai na nagpatayan pa dahil pinag-aawayan nila ang isang pogi at bagets na samurai, na pinag-aagawan nilang maka-sex.

Pero hindi lahat ng obra ng henyo ng Japanese New Wave ay sex. May ginawa siyang matinding drama, iyong Merry Christmas Mr. Laurence, na tungkol sa isang Kano na naging prisoner of war sa Tokyo noong  panahon ng World War II. Iyon ay kinilala bilang isa sa mga klasikong pelikula ni Oshima.

Sinundan namin nang sinundan ang mga trabaho ni Oshima at masasabi naming sa mga direktor na gustong gumaya sa kanya ay mahina pa hindi kasi dapat pagbatayan ang pelikula lang, dapat ay ang kaisipan ng film maker, at sa mga direktor natin, ang talagang gumagawa ng new wave cinema na gaya ni Oshima ay si Celso Ad. Castillo lamang. Kaya iyang mga gustong tumapat kay Oshima na ang batayan lamang naman ay ang napanood nilang pelikula, na malamang sa hindi ay iyong In The Realm of Senses lang, dahil iyon lang naman ang pelikula ni Oshima na naipalabas dito sa atin, malabo sila. Kasi noong panahong iyon,ang chairman ng Board of Censors for Motion Picture na si Maria Kalaw Katigbak ay ayaw nang rebyuhin ang pelikula basta ang direktor ay si Oshima, matapos na batikusin ng mga konserbatibo at ng simbahan ang pagpapalabas ng In The Realm of Senses sa Manila ‘81. Noong bandang huli nang lumawak na ang catalogue ng Criterion na napa-pirate na rin sa video, napanood dito ang ilan pang pelikula ni Oshima. Iyong mga nagsasabi na tatapatan nila si Oshima, naghahanap lang iyan ng publisidad at tumatawag ng pansin para panoorin ng mga tao ang kanilang pelikula.

Hindi ba’t ang isa sa mdalas magsabing gagayahin niya si Oshima ay maraming mga pelikulang indie na tapos na, pero hindi naman maipalabas sa sinehan dahil ang mga nagawa niya lately ay puro flop?

Huwag nang manggaya na hindi naman kaya.

About Ed de Leon

Check Also

Joel Cruz P25-M 25th anniversay Aficionado 

Joel Cruz mamimigay ng P25-M sa 25th anniversay ng Aficionado 

MATABILni John Fontanilla MAMAMAHAGI ng P25-M ang tinaguriang Lord Of Scents na si Joel Cruz …

Enrico Roque

Paghuli kay Mayor Roque nakabibigla

PUSH NA’YANni Ambet Nabus SOBRANG shock din ang mga nakakikilala kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico …

Bobby Garcia

Theater director Bobby Garcia pumanaw sa edad 55

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PUMANAW na rin at 55 years old ang kilalang stage actor-producer-director …

MMFF50

Sampung pelikula para sa MMFF50, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio ILANG araw bago ang Kapaskuhan, inilabas na ng Movie and …

MMFF 2024 MTRCB

Mga pelikula sa MMFF, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB

INILABAS na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang angkop na klasipikasyon …