BAGAMAT kakaunti naman ang kanilang mga tauhan, hindi pa rin biro-biro ang mawawalan ng trabaho kung isasara na nga ang CNN Philippines sa buwang ito. Iyang CNN Philippines ay ang dating RPN 9 na pinaka-number one television station noong araw. Bumagsak nang tuluyan ang malaking network matapos na i-sequester ng Cory government ang estasyon dahil sa bintang na ang may-ari raw niyon na si Ambassador Bobby Benedicto ay crony ni Marcos.
Noong panahong iyon basta sinabing kaibigan mo si Marcos ang tingin sa iyo ng gobyerno ay magnanakaw ka rin at ninakaw mo ang pera ng bayan, kaya sine-sequester ang ari-arian mo. Pero kung pinag-aralan nila iyang RPN 9 ay ang dating Kanlaon Broadcasting System na pag-aari na ni Benedicto hindi pa man presidente si Marcos. Paano mong masasabing iyang RPN ay ill-gotten wealth?
Simula nang ma-sequester ginamit na ng ginamit ng gobyerno ang estasyon para sa kanilang sariling propaganda, kaya wala rin namang sponsors na pumasok. Tapos ipinagamit nila iyan sa Nine Media na dating kilalang Solar Entertainment para may magpa-suweldo sa mga natitira nilang tauhan. Iyon namang Solar ay nakipag-collaborate sa CNN, para mabigyan ng bagong bihis ang television channel na nabulok na ang mga equipment at nawalan ng kredito dahil naging propaganda station nga ng gobyernong dilaw.
Pero maging ang image ng CNN ay hindi nakayang buhating muli sa pagkalubog ang Channel 9. Ngayon isasara na raw ang CNN at ibabalik na sa RPN 9. Wala na kasing pakikinabangan eh. Kung iisipin mo ang tamang katuwiran, dapat magbayad ang gobyerno sa mga dating may-ari ng RPN 9 dahil sa paggamit nila sa estasyon ng 30 taon bilang propaganda station nila ganoong ang mga tunay na may-ari ang may hawak niyon ng legal na prangkisa at permit to operate. May kulay politika talaga ang nangyari sa RPN 9, BBC 2, at IBC 13 na pag-aari ng mga Benedicto.
Iyong mga tumanda na sa broadcast industry, alam naman ang pinagmulan ng mga network na iyan. Iyan ay mga legal na broadcasting stations na nabili ng pamilya Benedicto mula sa mga nagsipagtatag noon at napalakas pa nila. Walang kinalaman si Marcos diyan.
Ngayon magsasara na ang CNN Philippines at ibabalik na sa RPN 9 na ano naman ang magagawa eh sequestered ang estasyon. Isang araw maaari ring paalisin sila sa Broadcast City na roon isinasagawa pa rin ang broadcast ng mga sequestered stations na iyan dahil hindi naman nakasama sa inilit ng gobyerno ang lupang kinatatayuan niyon at ang mga studio na maliwanag na ipinagawa ni Benedicto. Ang nakuha lang nila ay iyong dalawang estasyon dahil iyong isa ibinigay ng Cory government sa ABS CBN, na walang kapalit kahit na ano. Nakuha ng ABS-CBN ang isang network na may legal na prangkisa, may legal na permit to operate, at walang utang. Iyong dalawa hinawakan nga ng gobyerno hanggang sa pumasok ang Nine Media sa RPN 9 na nalugi rin naman.
Inisip ba nila kung ano ang mangayayari sa mga manggagawa sa Channel 9 na mawawalan ng trabaho? Hindi naman maaaring iligtas iyon ng gobyerno sa pamamagitan ng kanilang Channel 4 na wala rin namang makuhang commercials at kapos na kapos sa budget kaya madalas delayed ang suweldo ng mga empleado.
Iyan din namang Channel 4 maganda iyan noong araw sa ilalim ng pamamahala ni Manong Greg Cendana sa kanyang National Media Production Center. Noong gawing People’s Televisionnagkaloko-loko na ang takbo kasi ang inilagay namang mamahala ay puro political appointees na hindi naman bihasa sa pagpapatakbo ng isang media company. Ang resulta, lahat ay nalugi.