HATAWAN
ni Ed de Leon
KARAMIHAN naman, lalo na ang mga showbiz blogger/vlogger, mahahalata mong walang alam sa showbiz talaga. Madalas kasi mali naman ang kanilang ibinibigay na backgrounder sa kanilang mga istorya.
Minsan ang dami na nilang nasabi hindi pa nila natukoy kung tungkol kanino ang kanilang balita. Kaya nga halata mo na sila ay mga talipapa journalists lamang. Ang isang lehitimong mamamahayag ay tinutukoy muna kung ano ang pangyayari, kung kanino nangyari, kailan nangyari, at saan nangyari. Kung maaari sa unang paragraph pa lamang ng istorya, at saka na sila magdagragdag ng backgrounder pagkatapos. Iyang pagpapahaba naman ng istorya ay naging gimmick ng mga correspondent noong araw para humaba ang kuwento at mabayaran ng mas malaki.
Noon kasi sinusukat ang kuwento at saka binabayaran batay sa kung gaano iyon kahaba. Sa panahong ito ayaw na rin ng mga tao ng mahahabang kuwento, kaya ang pagbabalita ay kailangang tukoy na ang lahat sa pagsisimula pa lamang.
Iyang mga talipapa blogger/vlogger talagang maraming drama dahil kung hindi iiwanan agad sila ng mga manonood at kung mangyayari iyon hindi na maisisingit ang mga commercial sa mga kuwento nila na kinukuha naman ang pambayad sa kanila. Kaya basta may nakita kayong commercial at may naka-indicate na skip mag-skip kayo para hindi iyon magbayad sa mga walang kuwentang blogs/vlogs.
Hindi rin naman kilala ng mga artista ang mga blogger/vlogger na iyan, basta may nag-interview na isang lehitimong reporter isisingit na lang nila ang kanilang tape recorder o bigla na lang kukuha ng video sa interview ng lehitimong media at ia-upload na lang iyon. Hindi man lang magpapasintabi iyan sa siningitan nilang interview. Kung minsan maiinis ka pa, dahil mahahalata mo sa kanilang blogs/vlogs na hinabasa lang ang isinulat mo sa diyaryo word for word at inaangkin na kanila iyon. Iyang mga blogger/vlogger na iyan, kumikita sa pinagpawisan ng iba. Ganyan sila. Bakit ninyo paniniwalaan kung ganoon.