HATAWAN
ni Ed de Leon
MABUTI naman at naging mahinahon ang mga pahayag ni Janno Gibbs laban sa mga sinasabi niyang lumapastangan pa sa nangyari sa kanyang ama, at sa mga nag-uugnay pa sa kanya sa mga pangyayaring iyon.
Sinuspinde na ng PNP ang dalawa nilang imbestigador na may kinalaman sa video pero hindi mo naman masasabing may masama silang intensiyon. Sila ay tinawag at pinapunta sa isang naganap na kaso. Sa mga ganyang pagkakataon natural lamang na may suot silang body cam para may katunayan kung may nagawa silang mali sa kanilang imbestigasyon. Natural lamang na ipakita iyon sa mga kapwa nila imbestigador dahil baka ang mga iyon ay may maibigay pang dagdag na input na makatutulong sa kanila para mapabilis ang paglutas ng kaso. Hindi nila intensiyong ikalat ang karumal-dumal na video, pero sa kanilang grupo hindi siguro nila alam, may nakakapasok na mga private vlogger na hindi naman nila kasamahan. Kaya natukoy nila, na may tatlong civilians na nakapasok sa kanilang viber group kinopya ang video at ikinalat iyon sa social media. Alam naman ninyo ang mga vlogger ngayon wala nang kinikilalang respeto ang mga iyan. Basta ang gusto nila ay mag-viral ang kanilang content para sila kumita, kesehoda na kung sino ang mapahamak at masaktan pa dahil sa kanilang ginawa.
Eh ano nga ba ang maaasahan mo sa mga vlogger? Hindi naman iyan tulad ng mga nasa lehitimong media na may sinusunod na alituntunin sa mabuting pamamahayag. Iyang mga vlogger palibhasa ay unprofessional, wala silang pakialam sino man ang masagasaan basta kumita sila.
Tingnan nga ninyo, ang nangyayari si Janno ay naghihinagpis pa sa nangyari sa kanyang ama, sa kanila ang sinasabi pa ay si Janno ang may kasalanan kaya nangyari ang suicide ni Ronaldo. At ang masakit pa, may nagbibintang na si Janno raw ang mastermind ng lahat para maging kontrobersiyal at mapansin ang pelikula na kanyang idinirehe at pinagbidahan nilang mag-ama.
Aba eh talaga namang maaaring magdemanda si Janno kaso sino nga ba ang kanyang idedemanda, eh nakatago naman ang identity ng mga vlogger na iyan sa title ng kanilang blog/vlog at hindi naman kasi sila required na magsumite ng kanilang identity sa mga vlog na iyan maliban sa isang telephone number na karamihan ay pre paid accounts pa.
Ngayon ang hinihingi lang naman ni Janno ay simpleng public apology ng mga taong gumawa ng tsismis at pinagkaperahan pa ang malungkot na nangyari sa kanilang pamilya pero maaasahan mo bang gawin iyon ng mga vlogger dahil oras na gawin nila iyon sila na rin ang naglantad ng tunay nilang identity at maaari na nga silang sampahan ng demanda. Ang public apology ay maaaring sabihing admission of guilt na rin kaya tiyak na sentensiyado na sila basta idemanda sila.