HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGSIMULA na ang bagong programang Tahanang Pinakamasaya sa GMA 7. Kasi nga pinagbawalan na sila ng hukuman na gamitin ang titulong Eat Bulaga, na napatunayan sa IPO at sa korte na pag-aari nga ng TVJ. Kaya iyong Eat Bulaga iyan ang ginagamit ngayon ng TVJ.
Pero tingnan ninyo ang layo ng takbo ng isip. Nang lumayas sila sa TAPE at magsimula ng bagong programa sa TV5 ang naisip nilang pangalan ay E.A.T.. Iyon namang TAPE Inc, nang matalo sa kaso at iutos ng korte na huwag na nilang gamitin ang Eat Bulaga, ang naisip nilang title ay Tahanang Pinakamasaya. Sino kaya ang utak ng title na iyon? Tiyak na matanda na kasi ang tunog parang Oras ng Ligaya at Teysi ng Tahanan. Parang mga programa sa radio noon nina Lopito, Patsy, Pugo, at Tugo. Tunog pre-war pa eh. Para bang noong panahong ang DZRH ay Radyo Heacock pa sa Escolta, at ang Chronicle Broadcasting noon ay hindi pa kasama ng ABS at naroon pa sa CBN Building sa Aduana.
Iaapela naman daw ng TAPE sa Court of Appeals ang desisyon ng RTC ng Marikina. Maaari pa nga silang umapela hanggang sa Korte Suprema eh. Pero habang wala pang resulta ang apela nila isipan muna nila ng title ang kanilang noontime show. Ang dating kasi sa amin ay panahong ang commercial pang maririnig mo ay iyong ‘puputi ang damit kahit hindi ikula lilinis ang damit kahit hindi ikula.” At saka panahon pa ng Kiko Baterya.
Ewan nga ba pero nagulat daw si Paolo Contis sa naging desisyon ng korte. Ewan bakit pa siya nagulat eh, halos lahat naman ng mga tao alam ng ganyan ang kalalabasan ng kaso.
Hindi nga siya nagulat noong nakapag-asawa si Lian Paz at kinupkop ang dalawa niyang anak na hindi niya sinustentuhan. Hindi rin siya nagulat na kamakailan nakapag-asawa na rin si LJ Reyes na iniwan niya at hindi na rin sinustentuhan ang anak nila nang makakita siya ng makaka-date sa Baguio “as a friend” kahit na hindi pa tapos ang pandemic tapos kinilala lang ng korte ang karapatan ng TVJ sa Eat Bulaga nagulat na siya?