HATAWAN
ni Ed de Leon
ANO nga ba ang kasalanan ni Vilma Santos kung napili ng screening committee ang kanyang pelikula bilang sa isa sa sampung kasali sa Metro Manila Film Festival? Hindi ba matagal nang panahon na iyang commercial viability ng isang pelikula ay kasama na sa criteria ng mga pelikulang pinipili para sa MMFF dahil kailangang may maibigay din naman sila sa kanilang beneficiaries?
Kung ang isasama mong pelikula ay sa mga artista na consistent na flop ang mga pelikula ng mahigit na isang dekada na, ano ang mangyayari?
Nang manalo si Ate Vi bilang best actress, ano ang sinasabi nilang anomalya? Ang mga miyembro ng jury mismo ang nagsasabi pagkatapos kung bakit nila napili si Ate Vi. Eh ano ba ang pakialam ng ibang hindi naman juror ng festival? Kung hindi ka naman juror huwag kang makialam. Lalo na nga’t wala ka pa namang napatutunayan bilang director ng pelikula at director-direktoran ka lamang. Ano rin naman ang maipagmamalaki ng isang blogger lamang laban kina direk Chito Rono, Lorna Tolentino, Joey Reyes at iba pang kasama sa jury? Ang nakatatawa, maging ang mga ibang nominees na natalo ay natuwa sa panalo ni Ate Vi, unless ang ipinakikita nila at sinasabi ay kaplastikan lamang.
Maski nga ang mahusay na actor na si John Lloyd Cruz napakaganda ng sinabi tungkol kay Ate Vi at sa kanyang pelikula na ibinahagi pa niya sa publiko sa pamamagitan ng isang live streaming sa internet, at maririnig mo naman sa tono ng kanyang pananalita ang sincerity sa kanyang sinasabi. Masasabi bang si John Lloyd ay kagaya lamang ng mga bayarang troll na ang trabaho ay manira sa mga kalaban ng nagbabayad sa kanila?
Tama rin naman ang sinabi ng isang kaibigan naming Psychiatrist, na ang mga ganyang tao na nasisiyahan sa paninira sa kapwa ay hindi dapat kagalitan kundi dapat pa ngang tulungan at kaawaan. Dahil sabi nga niya, “those are symptoms of insanity.” Kaya kung may kakilala kayong ganyan samahan ninyo at patingnan sa isang espesyalistang doctor. Kung inaakala naman ninyong mahal ang konsulta sa isang Psychiatrist, may mga espesyalista ang National Center for Mental Health na makatutulong sa inyo.
Sa parte ni Ate Vi, hindi naman siya affected ng mga basher, dahil hindi na lang niya pinapansin, alam din naman niya kung saan iyon nagmumula. At sabi nga niya, “wala pa iyan kung ikukompara mo sa mga political troll.” At alalahanin ninyo 23 taon naging politiko si Ate VI.
Sa ngayon pinag-aaralang mabuti ni Ate Vi ang susunod niyang gagawin. Nasa kamay na niya ang scripts ng mga pelikula mula sa mga major film companies na may offer sa kanya, anim na scripts na lahat iyong nasa kanya.
“But I still keep options open, minsan kasi biglang may darating na magandang projects at manghihinayang kang may natanggap ka nang una. Siyempre kailangan mong unahin ang una mong sinagutan,” sabi ni Ate Vi.
May nagsasabi pang sa susunod ba raw ay willing pa siyang makipagtrabaho sa mga baguhang director?
“Of course iyong mga bago may mga bagong idea iyan, at saka hindi mo naman masasabing baguhan pa sina direk Rado at direk Rommel (direktor niya sa When I Met You In Tokyo). Lalo namang hindi baguhan si Bo (Christopher de Leon).
“In fairness hindi naman magugustuhan ng jury iyong sinasabi nilang mga eksena kung hindi marunong ang aming director. Ang napansin ko nga lang din, may mga eksena kaming humaba, nababad. Mahaba rin ang aming pelikula kaya nga limited screening lang din iyon. Mas maraming screenings ang nagagawa sa mga mas maikling pelikula, pero in all aspects, wala akong reklamo sa pagkakagawa ng aming pelikula. Mananalo ba naman iyon ng FPJ award at magiging fourth best picture kung mahina ang mga director namin?
“And I am willing to work again with the same producers and the same directors kung may pagkakataon ulit,” sabi pa niya.
Hindi pa makasagot si Ate Vi kung ano ang uunahin niyang gawin.
“Aaminin ko napagod ako sa ‘When I Met you in Tokyo,’ hindi lang dahil sa tuloy-tuloy na shooting namin ng pelikula kundi dahil sa naging promo rin namin. Pero hindi ako umaangal kasi sabi naman namin ang gusto namin ay maibalik ang mga tao sa sinehan, at nagkatulong-tulong naman lahat ng mga artista kaya nagawa namin iyon.
“Sana nga magtuloy-tuloy na iyan at makabangon na ang ating industriya. Alam na natin kung anong klaseng pelikula ang gustong mapanood ng mga tao. Alam na rin natin kung paano dapat ang promotion ng isang pelikula sa ngayon. Iyon na ang ituloy natin dahil kung babalik na naman tayo sa gaya ng dati, masasayang lahat ng efforts natin para mapabalik ang mga tao sa sinehan.
“Isa pa nakipagtulungan din naman ang mga sinehan. It means na mas maliit ang margin nila para kumita pero pumayag silang ibaba ang admission prices ng sinehan bilang Pamasko sa mga Filipino. Sana huwag na muna nilang itaas para sa mga pelikulang Filipino pagkatapos ng festival. Kumita pa rin naman sila eh.
“Marami tayong natutunan sa festival na iyan at naging maganda naman ang resulta,” sabi pa ni Ate Vi.