ni Ed de Leon
HANGGANG saan ba talaga ang lawak ng pagsasamahan ng isang artist at management?
Kung kami ang tatanungin, base sa aming obserbasyon hindi naman talaga tumatagal ang artist-managemement relationship kahit na sabihin mong may kontrata pa sila.
Una ang kontrata naman ng artist at management ay maaaring palabasing void sa simula pa lang dahil wala namang manager na makapagbibigay ng kung magkano ang eksaktong kikitain ng isang artist, o kung gaano kataas ang kanyang magiging kasikatan.
Maski na si Doc Perez noon na kinikilalang pinakamahusay na star builder, hindi nakapangako kung gaano kasikat ang magagawa niya sa isang artista dahil depende iyan sa public response. Gastusan mo man iyang artista kung ayaw ng publiko, ngenge rin iyan.
Dahil walang guaranteed income ang stars sa contract, maaari nilang sabihing one sided iyon at maaaring umalpas ang artist. Mayroong kakaibang kaso, halimbawa ang naging kaso ni Aljur Abrenicanang magtangka siyang idemanda pa ang Channel 7 para makawala, natalo siya sa korte, kasi kahit na sabihin mong walang guaranteed income, mas higit pa sa guarantee ang ginawa sa kanya ng GMA malaki naman ang kinikita niya kaya pinabalik siya ng korte sa GMA. Ganoon din ang kaso ni Nadine Lustre sa Viva, natalo siya sa demanda dahil napatunayan ng Viva na ang kinikita niya sa ilalim ng kanilang management ay higit pa kaysa inaasahan.
Pero ang artista lahat iyan, kilala ka at napakabait habang hindi pa sikat. Basta sumikat iyan, may makikialam na, may magsusulsol, lalaki ang ulo at maniniwala sa publisidad na gawa rin naman ng mga manager na sikat na sila, na akala naman nila totoo. Susuwagin na niyan ang kanyang manager. Magsisimula na iyang magtanong kung bakit napakalaki ng komisyong ibinabawas ng manager niya sa kita niya, o kaya naman kukuwestiyonin na ang manager niya bakit hindi mapataasan ang talent fee niya. Magsisimula na iyang magreklamo kung kani-kanino.
Marami kaming nakilalang mahuhusay na talent managers noong araw kabilang na si Bibsy Carballo at si Roxanne Lapus hindi ba sila man kahit na anong pakisama ang ibinigay nila sa talents nila dumating ang araw na nagkaroon ng reklamo at nilayasan sila?
Ang pinakamaganda talaga iyang mga artista mabuhay sa sarili nila kagaya noong araw. May kontrata sila sa producers nila, wala iyang mga manager. Para matutunan nila ang buhay at hindi umaasa lamang sa iba tapos may reklamo pa sila.
Kagaya rin nga noong kasong narinig namin noong isang araw tungkol sa isang male sexy star na lumalayas na raw sa kanyang manager, eh sa palagay namin wala pang kinikita ang manager niyon sa kanya, abono pa iyon. Ilang reporter ang binabayaran niyon para sabihing magaling siyang artista kahit na hindi naman talaga? Pabayaan na iyan, hayaan siyang lumakad mag-isa at tingnan natin kung iyong mga nagsasabing magaling siyang artista ay magsabi pa ng ganoon. Wala naman siyang pambayad sa mga iyon, unless alam na ninyo…. Pero hindi rin eh, hindi rin naman kasi siya pogi. Mas marami pang pogi kaysa kanya na umeekstra nga lang sa mga pelikula, tv, at internet. Mga mas may karapatan pang sumikat kaysa kanya.
Ganyan lang ang buhay dapat huwag nang habulin, dapat sipain pa iyan ng manager niya at huwag nang pababalikin, mas kikita ang manager niya kung wala siya, at mawawala pa ang sakit ng ulo.
Bihira talaga ang mga artistang kagaya ni Vilma Santos na sumikat man nang husto, naging mayor, governor, at congressman pa pero hindi lumaki ang ulo at marunong tumanaw ng utang na loob. Bihirang-bihira rin ang kagaya ni Mayor Richard Gomez at ni Aga Muhlach, iyong iba, hindi pa sikat ang taas na ng lipad. Kaya nga tingnan ninyo kung ano ang nangyayari sa buhay.