ni Ed de Leon
“AY siya pala iyon,” ang nasabi na lang ng isang kakilala namin nang makita sa tv ang isang male starlet na sinasabing maraming “private sex videos” na hawak ng isang showbiz gay.
“May hitsura naman pala pero sayang na bata misguided iyan dahil kung hindi bakit siya pumasok sa ganoong sitwasyon?”
Siguro nga napakataas ng pangarap niya, at alam naman niyang nagkaka-edad na siya, sandali na lang at gurang na rin siya, paano pa ang mga pangarap niya? Kung hindi ba siya nag-sideline sa mga bading makakabili ba siya ng isang magarang kotse, makakayanan ba niyang halos nakatira na siya sa mga five star hotel dahil ayaw na niyang umuwi sa bahay nilang pang-maralita?
Iyong masyadong mataas niyang ambisyon ang dahilan kung bakit siya napasama. Hindi masasabing dahil sa showbusiness iyon. Wala pa naman siyang napatutunayan dahil hanggang ngayon bit player lang naman siya sa mga indie, at hindi na nga niya binabanggit ang kontrata niya sa isang film company dahil mahigit nang isang taon iyon at hanggang ngayon ay wala pa namang ibinibigay sa kanyang trabaho kaya nagsasasayaw lang siya sa mga maliliit na out of town shows para masabing artista nga siya kahit paano.
Mahirap nga namang mabuhay lang sa pangarap.