HATAWAN
ni Ed de Leon
SA totoo lang naaawa kami sa mga producer at mga artista ng mga pelikulang sinasabi nilang magiging bottom holder sa nalalapit na Metro Manila Film Festival (MMFF). Masyado na nga kasing mahal ang admission prices ng mga sinehan kaya kahit na panay ang pakiusap ni Vilma Santos na huwag lang ang pelikula nila ni Christopher de Leon kundi ang mga ibang pelikula pa ay panoorin din palagay namin may gagapang pa ring mga dalawa o tatlong pelikula sa mga kasali sa festival na iyan ang tiyak na maglulupasay sa takilya.
Maraming factors na kailangang isipin. Una napapanahon ba ang mensahe at kuwento ng pelikula? Ikalawa kinakagat pa ba ng publiko ang mga artistang lumalabas sa pelikula mo? Kung hindi ka matunog at hindi talaga isang marketing man baka akala mo sikat ang artista mo pero iyon pala hilahod na ang mga pelikula niyan.
Ang isang artista basta bumababa na ang popularidad hindi ka makatitiyak kung anong klase ng pelikula niyan ang hinahanap ng mga tao. Malamang sa hindi lugi ka, kung mahina na ang artista mo.
Basta sa papasok na MMFF ang hula namin tatlong pelikula ang aani ng kamote at mayroon pa riyang mga dalawa na ang magiging bunga ay kalabasa.