HATAWAN
ni Ed de Leon
GAGAWA na naman pala ng isang period series ang GMA 7, iyong Pulang araw, Araw na pula ba iyon? Akala namin kaya ganoon ang title, ibig sabihin ay holiday. Iyon pala ay isang period drama na ang setting ay panahon ng Hapon. Iyong araw na pula ay bandera ng Hapon.
Inilabas nila ang lahat ng kanilang mga alas sa nasabing drama. Pangungunahan iyon ng first lady ng prime time na si Sanya Lopez, at ng pinaniniwalaan nilang hottest property nilang si Alden Richards. Kasama rin naman ang mahusay na aktres na si Barbie Forteza, at ang pilit nilang ibini-build up na ka-love team niyin na si David Licauco na ang role raw ay sundalong Hapon.
Siguro nga iyan ang gagawin nilang suporta kung hindi magkaroon ng magic iyong kanilang Encantadia Chronicles. Lumayo na kasi sa orihinal na kuwento eh, isipin ninyo ngayon may lalaki na silang sangre? Nasanay na ang mga taong puro babae ang bida sa seryeng iyan, ewan kung bakit may isang napakalakas na lalaking biglang nakasingit.
Anyway, experimental iyan eh, magastos pang gawin iyan, kaya kailangan may pansalo agad sila kung sakaling hindi maganda ang kalabasan niyan, iyan ngang Pulang Araw.
Ewan kung kakagatin pa iyan dahil ang dami-dami nang nagawang pelikula noong araw pa tungkol sa panahon ng Hapon. Pati nga ang mga baklang ginawang prostitute ng mga Hapon naging subject na ng pelikula, ano pa nga ba ang bago sa panahon ng Hapon? Isang opisyal na sundalong Hapones ang role ni David,baka umangal ang mga Hapones niyan dahil ang lalabas na sundalo nila ay Intsik, at ang mga Intsik ay kalaban ng mga Hapones.
Pero tingnan muna natin kung kaya nga ni David ang role at kung lalabas na mas mahusay siya sa beteranong actor na si Bruno Punzalan, na laging sundalong Hapon sa mga pelikula ni FPJ.