HATAWAN
ni Ed de Leon
TOTOO bang magpapalit na ng pangalan ang grupong SB19? Marami ang nakapansin sa ibang mga miyembro ng grupo ang titulong SB19 sa kanilang mga personal na social media account. Iyon palang titulo o trade mark na SB19 ay nakarehistro sa pangalan ng Show BT, isang Korean company na siyang namamahala ng kanilang career noong araw. Hindi lang ang pangalang SB19, mukhang maging ang copy right ng kanilang mga pinasikat at ginawang kanta ay nakarehistro rin sa Show BT, na isang Korean company.
Hindi naman nila sinabi kung may mga bagay silang hindi napagkasunduan, kaya sila umalis sa Show BT noon pang nakaraang taon at nagtatag ng sarili nilang kompanya na tinatawag nilang 1Z.
Buo pa rin naman ang kanilang orihinal na grupo, na ibig sabihin tiyak na sila pa rin ang susundan ng kanilang fans, magpalit man sila ng pangalan ng kanilang grupo, pero ibig sabihin niyon kailangang magbayad sila sa Show BT sa tuwing aawitin nila sa mga concert nila ang mga kantang pinasikat nila maging iyon mismong ginawa nila. Dahil nakuha ng Show BT ang trademark ng mga iyon at copyright.
Kailangan ngayon ay makagawa ng isang bagong kanta ang SB19 na mabilis na sisikat at siya nilang magagamit na signature song sa kanilang concerts, kung hindi tiyak na apektado rin ang kanilang career at ang kanilang kabuhayan.
Nakalulungkot iyan, mga Pinoy na naiipit ng isang kompanyang Koreano.