HATAWAN
ni Ed de Leon
TINGNAN nga naman ninyo, may sarili nang television channel at cable channels ang mga serye at pelikulang Koreano na dubbed sa Tagalog. Samantalang ang mga pelikulang Filipino ay walang malabasan kundi internet streaming at kailangan pang maging mahalay para panoorin ng audience.
Noon sinasabi nila na basta pumasok na ang digital television, mas dadami ang channels. Kasi technically, maaaring magkaroon ng anim na channels sa isang frequency. Hindi gaya ng analog na isang channel lamang sa bawat frequency. Noon ang sinasabi nila magkakaroon ng maraming trabaho ang mga artista, director, at writer na Filipino.
Iyon pala ay dahil sasaksakan nila ng mga show na Koreano at Intsik na nabibili nila nang mababang halaga lamang, tapos pareho rin ng ratings sa Pinoy at pareho rin ng kita.
Mas malaki nga naman ang kikitain ng mga network. Eh sa ngayon ang mahalaga lang naman sa kanila ay kumita sila.