HATAWAN
ni Ed de Leon
AYON sa official statement ng Malacanang, sa pamamagitan ng PCOO (Presidential CommunicationsOperations Office) nag-resign na si Paul Soriano bilang Presidential Adviser on Creative Communications. Pero nauna riyan, ang pagkawala ni Soriano sa nasabing posisyon na nauna nang lumabas nang sabihin iyon ni Senador Sonny Angara sa isang budget hearing ng senado.
Sinabi ng PCOO na wala pang kapalit si Soriano, hindi rin nila sinabi kung ano ang dahilan ng pagbibitiw nito. Si Paul ang naging director ng mga kampanya noon ni Presidente BBM, at ang asawa niyang si Toni Gonzaga na laging main performer, kasama ni Andrew E.
Nasabit ang pangalan ni Paul sa isang tourism campaign ng DOT, na gumamit umano ng mga stock shot na ang iba ay kuha pa sa ibang bansa at hindi naman sa Pilipinas, naging isang malaking issue iyon, na medyo lumamig lang nang lumabas na hindi pa naman pala binabayaran ng DOT ang nasabing commercial.
Medyo nasasangkot din siya sa ibang usapan dahil sa katotohanang inaanak siya ni PBBM at pamangkin ng first lady Liza Araneta Marcos. Isinasabit siya sa kung ano-anong usapan, at siguro nga para matahimik na rin ang kanyang buhay, tutal nakakapagdirehe naman siya ng pelikula, umalis na siya sa posisyon.
May nagsasabi ring ang trabaho niya ay mukhang duplication lamang ng functions ng FDCP (Film Development Council of the Philippines) na isang ahensiya rin sa ilalim ng Office of the President.