ni Ed de Leon
HINDI man tuwirang inaamin ng isang male star na siya ay parang tutubing nagkakandirit din kung hatinggabi, sa tono ng kanyang mga pananalita ngayon ay wala na siyang resistance kung maisip man ng mga tao na siya ay bading.
Matagal na rin naman kasing alam ng mga taga-showbusiness iyan, at lalong maraming nakaaalam kahit na ang mga kaibigan niya noong hindi pa siya artista, talagang bading na siya. Pero dahil nga sa paniniwala na hindi na siya sisikat kung malalaman ng fans na bading siya, itinatago niyang pilit iyon. Nakikipag-relasyon pa nga siya sa mga bading para mapatunayang lalaki siya.
Pogi naman siya eh kaya talagang nababaliw din sa kanya ang mga bading, kahit na sabihing sa pagsasama nila ay maaaring bumuka na lang ang lupa at lamunin sila.