HATAWAN
ni Ed de Leon
MATAPOS punahin ng mga tao ang isang joke ni Joey de Leon at sinabi ng MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) na iyon ay ipinasa na nila sa kanilang legal department para pag-aralan ang aspetong legal at malaman kung nagkaroon ng paglabag sa PD 1986 at sa implementing rules and regulation na kaugnay ng batas. Mabilis na inamin ng mga producer ng E.A.T. ang pagkakamali ng show at humingi ng paumanhin si Joey kung siya man ay nakalabag ng batas.
Bagama’t alam naman nila na ang pagso-sorry ay hindi nangangahulugang absuwelto, dahil tiyak magpapalabas pa rin ang MTRCB ng sanctions kung sa tingin nila ay may paglabag sa batas at sa IRR niyon, at least ipinakita ni Joey at ng E.A.T. na kinikilala nila ang kanilang pagkakamali, at handa silang tanggapin kung ano man ang sanctions na ipapataw sa kanila.
Isang napakagandang halimbawa niyan hindi lang para sa mga bata kundi para sa lahat, na kung ikaw ay may nagawang pagkakamali aminin mo na iyon at humingi ka ng paunmanhin. Iyon ay pagpapakitang walang malisya ang pagkakamali mo.
Taliwas iyan sa ginagawa ng ABS-CBN at ng It’s Showtime, matapos silang bigyan ng sanctions dahil sa kanilang pagkakamali, ayaw pa nilang tanggapin iyon. Nagsimula pa sila ng isang kampanya para magbitaw si Chairman Lala Sotto dahil sa pagiging biased dahil ang kanyang ama at tiyo ay nasa isang show na kalaban ng Showtime.
Wala ring tigil ang kanilang trolls at pra la la, nga member of the press (sic) na kilalang malapit sa kanila na binabanatan ang MTRCB at kinaladkad pa nila iyon at sinasabing isa raw iyong gender issue dahil nga bakla si Vice Ganda at asawa niya si Ion Perez, natural ang gusto nila ay makuha ang simpatya ng mga bakla para kumampi sa kanila. Pero marami namang mga bakla ang nasa wastong isip. Bakla sila pero hindi naman sila utak biya. Aminado silang may malisya nga ang nakitang kilos nina Vice at Ion sa kanilang show. Sino ba ang mas makauunawa sa ginagawa ng mga bakla kundi mga bakla rin?
Sina Vice at Ion, nang mangyari iyon ay mabilis na nag-abroad, para hindi na nga sila humarap sa adjudication committee ng MTRCB kung sakali silang ipatawag.
Samantala tuloy ang ginagawang pambu-bully ng kanilang mga supporter sa MTRCB at may nagbabanta pang baka raw mapatay si Chair Lala o ma-rape dahil sa ginawang pagsuspinde sa Showtime, ganoong hindi naman siya kasali sa gumawa ng desisyon. Sa 30 miyembrong bumoto, 27 o masasabing unanimous decision ang ginawang pagsuspinde sa It’s Showtime, kaya ang sumunod naman nilang issue ay alisin na ang MTRCB dahil ang daming pinasusuweldo ng bayan. Talagang bullyhan na lang ba ang laban ngayon?
Ngayon aapela sila sa tanggapan ng Presidente, kay BBM na noon ay tinatawag nilang, “anak ng diktador at magnanakaw.” Ano nga ba ang isinisigaw pa ni Vice Ganda noon sa mga political rally ng mga pinklawan? Palagay ba nila mabu-bully nila ang presidente ng PIlipinas? Iyan ang subukan nilang gawin at tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanila.