HATAWAN
ni Ed de Leon
NOONG isang araw, kausap namin ang actor na si Teejay Marquez, na hindi naman kaila sa lahat ay nakagawa ng pangalan at sumikat noon sa Indonesia. Nagbakasyon siya sa PIlipinas, dito na inabot ng pandemic at hindi na nakabalik sa Indonesia para gawin ang pelikula at dalawang serye na nasagutan na niya. Pero ano nga ba ang magagawa niya eh bawal ang biyahe dahil sa pandemic nga.
Nakakawala sa kanya ang magagandang pagkakataong iyon sa Indonesia.
Awa naman ng Diyos, nakuha siya ng Regal para sa isang BL series kasama ang actor na si Jerome Ponce. Naging hit naman iyon, kaya matapos ang original run sa Youtube, at saka nalagay iyon sa premium channel na may bayad na. Dahil doon nag-click at marami ang kumuha kay Teejay sa halos ganoon ding roles. Pero hindi mo masabi talaga ang takbo ng industriya, may inialok sa kanyang isang magandang kuwento, mahusay ang director pero gay film din.
Tinanggap ni Teejay, pero hindi nakapasok iyon sa festival gaya ng unang balak. Hindi naman makapasok iyon sa mga sinehan dahil ang palagay ng mga theatre owners hindi iyon commercially viable. Hindi naman kasi talagang malakas ang pink peso sa PIlipinas. Hindi gaya sa abroad, dito ay hindi gumagastos nang todo ang mga bakla. Mahirap naman kasi ang buhay sa Pilipinas. Ang nangyari dahil naluluma ang pelikula nang hindi mailabas, ibinenta na lang iyon sa isang tv station na naglabas niyon sa non-primetime pa kaya hindi rin halos napanood.
Para sa isang artista, hindi lamang mahalaga na mabayaran siya sa kanyang ginawang pag-arte kundi ang gusto siyempre nila ay mapanood din sila ng publiko. Natutuwa naman si Teejay dahil iyong isa rin niyang pelikulang tatlong taon na yatang tapos, finally ay maipalalabas na rin sa November 1. Noon nag-promote na sila ng pelikulang iyan, at ngayon wala na silang promo, paano mo naman aasahang kumita ang pelikulang ganyan.
Iyong mga producer niyan, malulugi lamang ang puhunan nila. Iyong mga director namang gumawa niyan, hahanap lang sila ng bagong producers na mabobola nila at magkakaroon na sila ng pelikula. Pero iyong mga artistang kasama sa isang pelikula oras na mag-flop, napakahirap nang bumawi. Kaya sa ganyang sitwasyon, ang mga artista ang kawawa talaga.