HATAWAN
ni Ed de Leon
DAPAT nang bilisan ang pag-aaral ng Kongreso sa panukalang batas na isasailalim na sa MTRCB Classification pati ang mga panoorin sa internet. Maraming mahahalay na pelikula at serye na dahil hindi nga maipalalabas sa mga sinehan at sa free tv, idinadaan nila sa internet.
Masyadong mahahalay na ang mga palabas sa internet, lalo na ang mga porno at video scandal na mailalabas din doon, at napapanood maging ng mga menor de edad.
Nakalulungkot nga lang na naisipan ni Kiko Pangilinan noong siya ay senador pa na bigyan ng proteksiyon ang mga kabataan laban sa criminal prosecution, kahit na nga nakagawa sila ng krimen. Hindi niya naisipang bigyan sila ng proteksiyon laban sa mga mahahalay na panoorin. Hindi lamang mahalay ang mga iyon para sa mga bata, marami sa gumagawa ng kahalayan sa internet ay mga bata pa, mga bagets at diretsahan ang pagbibilad nila ng katawan at pag-aalok noon sa mga bibili.
Magbukas ka ng social media at tatambad sa iyo ang mga salitang, “gusto ninyong mag-avail ng vidjacks ko.”
Dapat iyang mga social media platforms nakokontrol ng NTC. Noon may ginawa sila, nang i-ban nila ang Canadian porno site na PornHub sa PIlipinas. Pero sandali lang iyon dahil may nagamit na application na naililigaw ng user ang computer para palabasing wala sila sa Pilipinas, kaya nabubuksan din nila ang porn hub. Bukod doon marami ang nagtayo ng tinatawag nilang private chat groups na naipakakalat din ang mga malalaswang panoorin. May mga chat group na libre lang, mayroon namang kailangang magbayad ka para makuha mo ang kanilang link at mabuksan mo iyon. Ang masama hindi nila kontrolado ang edad ng mga pinapapasok nila sa mga chat groups na iyan.
Kung hindi magmamadali ang Kongreso sa isang batas na pipigil sa mga malalaswang panoorin, pagdating ng araw pagsisisihan nila iyan, ang Pilipinas ay magiging isang mahalay na bansa at basta nagtagal iyan, para na rin mga squatter ay hindi na nila ma-control.