RATED R
ni Rommel Gonzales
Ang The Missing Husband ay kuwento tungkol sa mga biktima ng money scam na usung-uso noon pa man.
Tinanong namin si Jak Roberto na kasali sa serye kung siya ba ay nakaranas na maloko lalo na pagdating sa pera?
“Hindi pa naman po, awa ng Diyos! Kapag may mga taong lumalapit sa ‘yo at sa tingin mo oportunista lang or parang gusto ka lang gamitin, and too good to be true medyo mag-doubt ka na roon.
“Kasi lahat tayo gustong magkaroon ng business, ‘di ba po?
“So, minsan wala pa tayong idea magre-rely lang tayo roon sa tao na nakakausap natin, minsan kahit sobrang ka-close na natin or kaibigan natin ang hirap pa ring magtiwala.
“Minsan sila pa ‘yung gagawa ng kalokohan eh,” ang natatawang sabi ni Jak.
Pero may sumubok ba na i-scam siya pero hindi nagtagumpay?
“Tama po ‘yung sinabi ni Rocco na dapat magtanong-tanong muna sa mga kakilala bago pasukin ang isang business. Kailangan may alam ka muna roon and maging maingat lang palagi.
“So… so far sinubukan ko lang naman tapos parang, nagtanong-tanong ako, nagkaroon ako ng idea so, napag-usapan naman ng maayos hindi natuloy.”
Hindi natuloy dahil nadiskubre ni Jak na hindi magiging maganda ang kakahinatnan?
“May mga ganoon, hindi lang po natuloy ang partnership.”