SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MGA baguhan kapwa sina Chloe Jenna at Shiela Snow pero agad napansin ang galing nila sa bagong handog ng Vivamax, ang Ligaw na Bulaklak kapareha si Aaron Villaflor at idinirehe ni Jeffrey Hidalgo.
Kaya naman hindi napigilang maluha ni Chloe nang makatanggap ito ng papuri pagkatapos ng isinagawang screening ng pelikula.
Nakasabay sila sa galing ni Aaron kaya naman tiyak malayo ang mararating ng dalawang ito.
Isang psycho-sexy thriller na handog ng Vivamax Original Movie ang Ligaw na Bulaklak na streaming exclusively sa Vivamax ngayong September 22, 2023.
Ang istorya’y iikot sa isang hunk actor na maaksidente sa gitna ng kawalan na isasalba ng lalaking may kapansanan at kahina-hinalang babae na maraming nalalaman tungkol sa pagkatao niya.
Si Kevin (Arron Villaflor) ay sexy film actor na nasa remote location para sa shooting ng pelikula. Pagkatapos ng trabaho, nagkaroon ng cast party na nag-uumapaw ang alak at droga. Matapos ang masayang gabi at wild na pagpa-party, pinilit ni Kevin na lumuwas sa siyudad kahit na pinipigilan ng mga kasamahan para makaiwas sa peligro. Nagkatotoo ang hula ng mga ito at naaksidente nga si Kevin.
Nang magising, nasa bahay kubo na siya sa liblib na lugar, hindi makalakad dahil nabalian. Inaasikaso at inaalagaan siya ng dalagang si Dian (Chloe Jenna). Nalaman din ni Kevin na isang pipe ang nagligtas sa kanya sa aksidente, si Tatay Dune (Jeric Raval).
Ikinagulat din ni Kevin na maraming alam si Dian tungkol sa kanya. Ayun pala ay masugid niya itong tagahanga na sinusubaybayan ang mga pelikula niya. Hindi na rin naiwasan ni Kevin na mapansin ang kagandahan ni Dian, at magkakaroon ng malakas na sexual tension sa kanila na mauuwi sa mga maiinit at mapupusok na gabi. Unti-unting mapapalapit ang loob ni Kevin sa mga tao at masasanay sa buhay niya ngayon. Pero sa pagtagal niya sa lugar ay may mga mapapansin at madidiskubre siyang kahina-hinala at nakakabahalang bagay tungkol kina Dian at Tatay Dune.
Ang Ligaw na Bulaklak ay ang latest film ni Jeffrey na inaming may hawig sa pelikulang Misery ni Kathy Bates.
Hindi naman itinanggi ni Jeffrey na hawig nga ang kanyang pelikula sa Misery, aniya “We don’t hide na it’s inspired by ‘Misery’. It’s actually a homage to ‘Misery’ but, if you’d notice, marami na kaming binago.
“For one, the ending is totally different from ‘Misery’. Tapos, may back story ‘yung character ni Chloe along with Jeric Raval, who plays a mysterious mute man in her life.
“A movie is just like a song. Maraming paulit-ulit na melodies and the difference na lang is in the treatment and execution,” paliwanag ng direktor.
At dahil kapwa magaling sina Chloe at Shiela umaasa si Marissa Sanchez na kasama rin sa pelikula na mabigyang pagkakataon ang dalawa na maipakita pa ang galing sa pag-arte na hindi na kailangan ang maghubad. Na hindi naman malayong mangyari dahil marami na rin namang artista ang naging stepping stone ang paghuhubad at ngayo’y kinikilala ng aktres at nabibigyang pagkilala ang kahusayan.