HATAWAN
ni Ed de Leon
KAGAYA nga ng nauna na naming ibinalita noon, sinamahan nga ni Dawn Zulueta ang poging anak niyang 17 years old para mag-enrol at makapag-aral sa Fordham University sa New York. Iyon ay isang unibersidad na pinamamahalaan ng mga paring heswita, gaya rin ng Ateneo rito sa atin pero siyempre mas mataas ang standards. Kaya nga ang makapag-aral lamang doon ay isang malaking karangalan na. Suwerte rin naman si Jacobo dahil natanggap siya bilang estudyante roon.
Pero kahit na malayo ang anak, hindi natatapos ang mother responsibilities ni Dawn. Kaya kasama pa rin siyang naghahanap ng matitirahan ni Jacobo, at siyempre ang pag-aasikaso sa lahat ng kakailanganin niya habang namumuhay sa New York.
Maganda ang mga pagkakataong dumating sa mga anak ni Dawn, ang anak naman niyang babae, si Ayisha ay nasa US din at nag-aaral ng ballet. Magastos ang pag-aaral ng ballet sa US pero suwerte si Ayisha dahil nabigyan siya ng scholarship. Napili siya dahil sa nakita sa kanyang kahusayan at potentials, at siyempre ang naiibang kagandahan na rin.
Malayo nga sa naging propesyon ni Dawn ang kanyang mga anak, pero sino ang makapagsasabi pagdating ng araw? Tipong leading man si Jacobo at walang dudang madali ring maging leading lady dahil sa kanyang kagandahan si Ayisha.
Pero siyempre mas magiging mataas na ang kanilang goals sa buhay matapos na mag-aral sa US kung dumating naman ang panahon ng bakasyon. Para hindi nila ma-miss ang kanilang mga anak ay pauuwiin nila iyon sa Pilipinas o kung hindi naman sina Sec. Anton Lagdameo at Dawn ang dadalaw sa mga bata sa US, lalo na nga ngayon na ilang buwan na lang Pasko na.