ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IPINAGMAMALAKI ng award-winning actress na si Sylvia Sanchez ang kanilang bagong Kapamilya teleseryeng “Senior High.”
Pahayag ng veteran actress, “Isa lang ang masasabi ko, ito ‘yung dapat at napapanahong teleserye sa oras na ito para sa millennials at Gen Z. Na mga nabu-bully at nababastos, sa mga anak din na kaya rin nagkakaroon ng mental problems, hindi ba?
“Nagkakaroon sila ng problema, ang dami talaga… Alam natin na marami ang nagpapakamatay, kasi minsan, sa tingin ko, kaya gusto ko itong panoorin ng mga magulang… iyong sobrang pag-push sa mga anak, na hindi naman kaya ng anak, pero sumusunod ang mga anak. Kaya minsan, iyon iyong nagiging dahilan, nakaluungkot… kaya karapat-dapat itong serye na ito.”
Nagsimula na itong mapanood last Monday (Agosto 28), 9:30 pm at base sa three episodes na napanood namin sa screening at mediacon ng Senior High sa Trinoma, Cinema 7, tiyak na aabangan at tutukan ito ng mga manonood.
Interesting kasi ang plot ng serye at ang development ng istorya nito. Ito ‘yung tipong kapag napanood mo ay lagi mong aabangan ang mga susunod na mangyayari.
May anggulo rin dito na tiyak na maraming makare-relate at magchi-cheer sa lead actress dito na si Andrea Brillantes, lalo’t ang kakambal niya ay na-bully ng mayayaman at makapangyarihan sa kanilang school.
Pinuri rin ni Ms. Sylvia ang mga kasama at nasa likod ng kanilang teleserye.
Lahad niya, “Sa Dreamscape at ABS CBN, another na naman na teleserye na napakaganda, I’m sure, kaya sabi ko nga, tatayo itong teleserye na ito, dahil bukod sa magagaling ang casts dito, ang ganda ng istorya.
“At naniniwala po ako lagi na kapag maganda iyong materyal, su-shoot-up iyong show.”
Aminado rin si Ms. Sylvia na iniba niya talaga ang itsura at mannerism niya sa seryeng ito.
Aniya, “Pineg (peg) ko talaga na maiba ‘yung lakad, ‘yung galaw, ‘yung tiyan, lahat! Wala pong make-up, kaya ang lalim ng mata, hahaha!”
Bukod kina Ms. Sylvia at Andrea, tampok din dito sina Kyle Echarri, Juan Karlos, Elijah Canlas, Zaijian Jaranilla, at Xyriel Manabat.
Mahahalagang aral tungkol sa mental health ang hatid na mensahe ng seryeng ito. Isang mystery-thriller series na bibigyang diin ang ilang mga pagsubok na pinagdaraanan ng mga kabataan ngayon tulad ng suicide, mental health, bullying, at peer pressure, lalong-lalo na sa eskuwelahan.
Magsisimula ang kuwento ng “Senior High” sa kambal na sina Luna at Sky (Andrea). Ibang-iba ang kanilang personalidad dahil si Luna ay matalino at pabibo, habang si Sky naman ay may hinanakit sa kanilang nanay na si Tanya (Angel Aquino) dahil ang lola niya ang nagpalaki sa kanya ng mag-isa.
Mag-iiba ang buhay ni Sky nang mag-enroll din siya sa eskwelahan nina Luna, ang prestihiyosong Northford High. Dito niya makikilala ang iba’t ibang grupo ng mga estudyante at isa na rito ang grupo ng mga mayamang bully na magkapatid na sina Archie (Elijah) at Z (Daniela Stranner), ang boyfriend ni Z na si Gino (Juan Karlos), at isa pa nilang kaibigang si Poch (Miggy Jimenez).
Sa kabilang banda, tila mababait na mga estudyante pero may kanya-kanyang lihim pala na itinatago. Nariyan ang misteryosong si Obet (Kyle) at ang mag-jowang sina Tim (Zaijian) at Roxy (Xyriel).
Mayayanig ang kanilang mundo nang ma-dead on the spot si Luna matapos mahulog sa isang balcony. Palalabasin nilang suicide ang nangyari, pero malakas ang kutob ni Sky na may tumulak sa kanyang kapatid kaya gagawin niya ang lahat para lumabas ang katotohanan.
Suicide ba talaga ang nangyari kay Luna? Ano-ano ang mga kababalaghan at sikreto ng mga estudyante?
Ang “Senior High” ay mula sa direksiyon nina Onat Diaz at Andoy Ranay, ang mga direktor ng patok na revenge series na “Dirty Linen.”
Handog ng ABS-CBN Entertainment at iWantTFC ang isang Dreamscape Entertainment production, tampok din dito sina Tommy Alejandrino, Gela Atayde, Baron Geisler, Mon Confiado, Desiree Del Valle, Kean Cipriano, Ana Abad Santos, Gerald Madrid, Inka Magnaye, Angeli Bayani, Ryan Eigenmann, Rans Rifol, Rap Robes, Kakki Teodoro, at Floyd Tena.
Mapapanood ang Senior High Lunes hanggang Biyernes, 9:30 pm sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, TV5, iWantTFC, at TFC.
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.