NADAKIP sa ikatlong pagkakataon ang isang 40-anyos lalaki na nakompiskahan ng 200 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P1.3 milyon sa isang buybust operation sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Nicolas Torre III ang suspek na si Ruben Madarang, 40, residente sa Project 8, Bahay Toro, Quezon City.
Nabatid, ito ang ikatlong pagkakataon na si Madarang ay inaresto sa kasong may kinalaman sa illegal drug activity.
Batay sa ulat, si Madarang ay inaresto ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng QCPD, sa pangungun ni P/Maj. Hector Ortencio, dakong 7:10 pm sa Lot 5, Blk. 16, Congressional Avenue, Brgy. Bahay Toro.
Ayon kay P/Maj. Winnie Anne Calle, hepe ng DDEU, nakatanggap sila ng tip hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek kaya ikinasa sa isang buybust operation, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Isang pulis ang umaktong poseur buyer at nang makabili ng P79,000 halaga ng shabu mula sa suspek ay agad inaresto.
Nakompiska mula sa suspek ang nasa 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,360,000, isang cellular phone, buybust money, at isang puting PCX160 Honda motorcycle, may plakang 860PJV.
Ang suspek, na todo-tanggi sa kaso, ay nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ALMAR DANGUILAN)